LUMIPAD kahapon ng madaling araw ang pamilya ni Sylvia Sanchez patungo sa sampung araw na bakasyon sa Maldives, ang isa sa nasa bucket list niya.

SYLVIA-

Kararating lang ng aktres nitong Mayo 23 galing sa event ng Beautederm sa Hong Kong kasama sina Matt Evans at Arjo Atayde.

Hirit namin sa aktres nang makakuwentuhan namin nitong Sabado ng hatinggabi, “Ito talagang pahinga na, kasi ‘yung sa Hong Kong trabaho naman ‘yun. Birthday ko pa nga, di ba? Hindi naman talaga ako nag-celebrate ng birthday ko kasi work, nag-dinner lang kami, tapos na. Hindi naman natupad ‘yung gusto kong mag-dinner sa Disneyland. ‘Yung sa Japan, nakapahinga maski maski paano, pero itong sa Maldives, gusto ko talaga kasi talagang pahinga gagawin ko.”

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Nakita namin na maraming pagkaing dala si Ibyang.

“Eh, kasi sobrang mahal doon. ‘Pag mga meryenda, chips, para sa mga bata, kaya breakfast, lunch at dinner na lang gastos namin. Imagine, US$200 per heard doon. Ang mahal, eh, ilan kami?”

Hindi na naman nakasama sina Arjo at Ria Atayde dahil parehong may trabaho. Kaya sina Gela at Xavi ulit ang kasama ng mag-asawang Art at Sylvia.

“May taping si Ria ng Wansapanataym, si Arjo may shooting (ng Tol). Trabaho ‘yun kaya dapat nilang unahin. Saka na sila mamasyal at magpahinga kung wala na silang ginagawa,” sabi ng aktres.

Samantala, may nagtanong sa aming movie producer kung may teleseryeng ginagawa si Arjo dahil hindi raw nila makuha sa Star Magic at sinabing abala sa rami ng ginagawa kaya tinanggihan ang project na bida ang role. Kung tama ang bilang namin ay may pitong movie projects nang pinakawalan si Arjo.

Ang tarush naman, parang si Arjo lang yata ang wala pang umeereng teleserye at ipinalalabas na pelikula pero tumanggi na sa pito.

“Hindi ko nga alam pa ‘yan kung anu-ano, basta ang sabi lang sa akin ng handler ni Arjo, marami raw offers at hindi na pasok sa schedules. Nagpapasalamat naman ako kasi maraming offers, pero sayang nga,” saad ng aktres.

Ang alam naming kinabibisihan ni Arjo ay ang teleseryeng The General’s Daughter na mismong si Ms. Maricel Soriano ang nagsabing kasama ang aktor at abangan daw ang karakter nito.

Sinu-shoot din ng binata ang Tol kasama sina Joross Gamboa at Ketchup Eusebio under Reality Films.

May indie film na gagawin ang mag-inang Arjo at Sylvia pero hindi pa ĺbinanggit kung kailan ang simula ng shooting.

Magsisimula naman sa Hunyo ang pelikulang gagawin ni Sylvia at ayon sa kanya ay isasali ito sa isang festival pero hindi pa niya binanggit kung anong filmfest.

“Saka na kapag nakapagsimula na kami ng shooting saka international stars ang kasama ko rito, kakatuwa nga kasama ako,” sabi ng aktres.

Pawang pelikula muna ang pagkakaabalahan ng aktres ngayong taon, sa susunod na taon na lang daw ang teleserye.

-REGGEE BONOAN