SA pagbisita namin sa taping ng The Cure, nadatnan namin si Kris Bernal na magiging guest for one week, kasama si Matt Evans.
Ginagampanan ni Kris ang role ni Myra, asawa ni Elmer (Matt), may-ari sila ng grocery at tatakbuhan ng survivors sa monkey virus disease kabilang sina Tom Rodriguez at Jennylyn Mercado.
“Naggi-guest muna ako habang wala pa akong regular teleserye. Una akong nag-guest sa Magpakailanman at ngayon sa The Cure. Nagulat ako nang tawagan para mag-guest sa series, gusto ko ito dahil kakaiba sa mga ginawa ko na. Excited ako sa mga eksena ko dahil iba ang concept ng series, nakakatakot na, may drama at action pa,” kuwento ni Kris.
Ilang buwan pa lang mula nang matapos ang last teleserye ni Kris na Impostora, kaya maggi-guest muna siya sa mga show ng GMA-7 gaya ng The Cure. Tama lang dahil naka-focus siya sa bubuksang Korean resto na Seoul Meat sa June.
“Dapat earlier ng June ang opening ng restaurant, nagkaproblema lang sa location, ang napili naming location, sa Banawe na. Under construction na siya at isinara ko na ang burger kiosk kong Meat Kris dahil gusto ko ng full blown restaurant. Feeling ko, kaya kong mag-manage ng restaurant. Pero, hindi ko pa rin iiwan ang showbiz. Gusto ko pa ring umarte at may kontrata pa ako sa GMA-7,” patuloy ni Kris.
Hindi masabi ni Kris kung ilang araw siyang magti-taping sa The Cure, basta excited siyang mag-guest sa epidemic drama sa direction ni Mark Reyes. May teaser na niyang lumabas at baka next week, mapapanood na ang guesting nila ni Matt.
-Nitz Miralles