HINDI maitago ang pagkukumagkag ng iba’t ibang lapiang pampulitika sa pagpili ng kani-kanilang kandidato para sa nalalapit na 2019 senatorial polls. Katunayan, marami nang mga pangalan ang lumutang na kinabibilangan ng ilang re-electionists at mga baguhang naghahangad mapabilang sa grupo ng tinatawag na mga ‘honorables’;kaakibat ang paglalahad nila ng mga platapormang nakatuon sa laging bukam-bibig ng mga pulitiko: Pagbabago.
Iiwasan kong tukuyin ang pangalan ng mga naghahangad pumalaot sa 2019 midterm elections; sapat nang gisingin ang kanilang kamalayan na ang naturang halalan ay naglalayong pumili ng mga mambabatas; hindi ito paligsahang pampalakasan, pangkagandahan at iba pang anyo ng kompetisyon.
Ang pamunuan ng Oposisyon o Liberal Party (LP), halimbawa, ay nagsimula nang bumuo ng senatorial ticket na tatawaging ‘Resistance Coalition’ (RC). Anim na posibleng mga kandidato ang pinalutang ng LP na determinadong tapatan ang mga panlaban ng iba pang political party.
Napag-alaman ko na ang misyon ng RC ay nakatuon sa pagtutol sa sinasabing panghihimasok ng China sa ating kapangyarihan sa PH Rise o West Philippine Sea. Tututulan din nila ang umano’y extra-judicial killings (EJK) na manaka-naka pang nagaganap; lalabanan din nila ang mga katiwalian at kawalan ng mga pagsisikap sa paglikha ng mga trabaho at sa paglutas ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Maging ang majority party o PDP-Laban ay nagparamdam na rin at sinimulan ang pagbuo ng kanilang senatorial bets para sa susunod na halalan. Reeleksiyunista rin ang ilan at ang karamihan ay mga pangalang hindi gaanong matunog. Dapat lamang asahan na ang kanilang mga plataporma ay nakaangkla sa mga patakarang ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyon: Palipol ng mga anomalya at kriminalidad at paglikha ng isang matino at malinis na gobyerno.
Hindi maaaring ipagwalang-bahala ang pagsabak naman ng senatorial bets na maaaring bubuuin ng Nationalist People’s Coalition (NPC). Natitiyak ko na isusulong din nila ang mga adhikain na makapagpapaginhawa sa taumbayan.
Bagamat wala pang katiyakan kung sinu-sino ang senatorial bets, hindi marahil isang kalabisang ipagunita sa kanila ang makabuluhang tungkulin ng mga mambabatas, lalo na sa pagbalangkas ng mga patakaran at batas na makapagpapaangat sa kabuhayan ng bansa. Higit na kailangan ang matalinong pakikipagdebate na puspos ng lohika.
Dapat lamang asahan na sila ay tunay na mga kagalang-galang o honorables upang ang Senado – o ang Kongreso sa kabuuan – ay hindi maging katatawanan o laughing stock sa paningin ng sambayanang magluluklok sa kanila sa kapangyarihan.
-Celo Lagmay