Patay ang isang bagong layang lalaki matapos umanong tangkaing barilin ang raiding team sa nabistong pot session sa loob ng bahay nito sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Binawian ng buhay sa Pasay City General Hospital ang suspek na si Aries Lumanlan y Garcis, 21, miyembro ng Batang City Jail, dahil sa tama ng bala sa dibdib at tadyang.

Sa ulat ni Senior Supt Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, naganap ang engkuwentro sa Saint Cecille Street, sa Maricaban, dakong 2:30 ng madaling araw.

Un a n g n a k a t a n g g a p ng impormasyon ang Station Drugs Enforcement Team (SDET) hinggil sa nagaganap na pot session sa loob ng palikuran sa bahay ni Lumanlan at agad sumalakay ang awtoridad.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa pagdating ng raiding team, kumaripas sa iba’t ibang direksiyon ang mga parokyano habang bumunot umano ng baril si Lumanlan at tinangkang barilin si PO3 Carlo Sison.

Dahil nanganganib na ang buhay ni PO3 Sison, napilitan si Senior Insp. Pascual na barilin si Lumanlan at tuluyang bumulagta.

Isinugod ang suspek sa naturang ospital, subalit nalagutan ng hininga bandang 2:55 ng madaling araw.

Sa record ng awtoridad, sangkot sa serye ng panghoholdap at pagnanakaw si Lumanlan at kilala umanong tulak at adik, at itinuturong gumahasa sa sariling kapatid na babae. Naharap na rin siya sa kasong direct assault at paglabag sa BP 6 at city ordinance.

Narekober sa pinangyarihan ang isang caliber .38 revolver, na kargado ng limang bala; dalawang pakete hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P6,000; isang pakete na may bakas ng umano’y shabu; at improvised tooter.

-Bella Gamotea