Ni Clemen Bautista

INILUNSAD na ng pamunuan ng Gawad Rizal ang paghahanap ng mga natatanging Rizalenyo na pagkakalooban ng parangal at pagkilala sa idaraos na Gawad Rizal 2018 na nakatakdang gawin sa darating na ika-19 ng Hunyo, kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.

Ayon kay Propesor Ver Esguerra, Pangulo ng Gawad Rizal at editor-publisher ng SULO Rizalenyo magazine, ang mga mapipli at pagkakalooban ng Gawad Rizal 2018 ay ang mga taga-Rizal na nagtagumpay sa iba’t ibang larangan. Nakilala at nagbigay ng karangalan hindi lamang sa lalawigan ng Rizal kundi maging sa ating bansa. Ang mga mapipiling pagkakalooban ng pagkilala at parangal ay mga Rizalenyo na nakilala sa larangan ng visual arts, musika, edukasyon, negosyo, agrikultura, sa judiciary, sports, medisina at iba pang larangan.

Ayon pa kay Propesor Ver Esguerra, ang Gawad Rizal na gagawin sa Hunyo 19, 2018 ay ang ika-anim nang pagkakalob ng pagkilala at parangal sa mga napipiling natatanging Rizalenyo. Ang unang Gawad Rizal ay sinimulan noong 2012.

Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), Comelec (Commision on Elections) at ng Department of Education, naging maayos at tahimik sa kabuuan ang idinaos na Barangay at Sanggunian Kabataan (SK) elections nitong Mayo 14 maliban sa ilang mga kalituhan at karahasan na masasabing isolated na pangyayari sa ibang panig ng ating bansa. Bahagi ng idinaos na Barangay at SK elections (BSKE) na may mga nanalo at mga natalong kandidato.

Sa report ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency), may 60 sa 207 opisyal ng Barangay na kabilang sa “narco list” ang nanalo sa Barangay at Sanggunian Kabataan elections. Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, may 36 na chairman at 24 na kagawad na nasa “narco list” ang nanalo sa halalan. Sa kabila ng nasabing panalo, tiniyak ng Director General ng PDEA na magpapatuloy ang case build up ng PDEA laban sa 60 opisyal na nanalo sa eleksiyon at maging sa natalong kandidato na nasa listahan. Nabatid pa sa report ng PDEA na may mga kandidato ring nagamit ang drug money sa pamimili ng boto.

Bago idinaos ang BSKE nitong Mayo 14, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihayag ng PDEA ang listahan ng daan-daang opisyal ng barangay na sangkot umano sa illegal drugs, na ang ilan ay kandidato sa eleksiyon.

Marami tayong mga kababayan ang bumatikos at hindi pabor o sang-ayon sa paghahayag ng mga opisyal ng barangay na nasa “narco list” ng PDEA. May nagsabing hindi makatuwiran. Kung sangkot sa illegal drugs, bakit hindi dinakip at kinasuhan. Paliwanag naman ng tambolero ng Malacañang, isinapubliko ng PDEA ang “narco list” upang magabayan ang mga botante at matalinong makapili ng kanilang iboboto. May mga natalong kandidato na nasa listahan, tulad ng nangyari sa iba’t ibang barangay sa mga bayan, na ang mga bugok at corrupt na mga opisyal ng barangay ay pinulot sa kangkungan at siyut sa balde. Talo.