Sinabi kahapon ng chairman ng House committee on appropriations na handa itong magpatibay ng bagong supplemental budget para sa mga biktima ng Dengvaxia vaccine kapag muli nabigo ang Department of Health (DoH) na magprisinta ng katanggap-tanggap na budget.
Ayon kay Davao City Rep. Karlo Nograles, chairman ng komite na nag-aapruba sa mga budget ng iba’t ibang kagawaran, inaasahan niyang maghahain si Health Secretary Francisco Duque III sa Martes, Mayo 22, ng revised supplemental budget breakdown sa gagawing pagdinig.
Binalaan ni Nograles si Duque na kapag nabigo ang DoH sa budget presentation nito para sa mga naturukan ng Dengvaxia, mismong ang komite na ang magpapatibay ng kaukulang pondo o budget para rito.
“That’s why, Tuesday, whether they present to me a good budget or not, if it’s not a good budget, kami na maghihimay.
I will approve it on Tuesday, send it to floor, have it approved on the last week [of the second regular session] kasi we’re going to go on break, and send it to the Senate,” banta ni Nograles.
Miyerkules nang nagprisinta ang DoH sa Appropriations Committee ng Supplemental Budget for 2018, na nakatuon sa pagkakaloob ng “medical aid to nearly 900,000 school children who were vaccinated with Dengvaxia during the previous Aquino administration”.
Una nang naghain si Nograles ng House Bill 7449 para gamitin ang P1.16-bilyon refund ng Dengvaxia manufacturer na Sanofi Pasteur sa gobyerno ng Pilipinas para sa mga batang nagkasakit kaugnay ng pagtanggap ng kontrobersiyal na bakuna kontra dengue. (Bert de Guzman)