Ni Celo Lagmay
NANINIWALA ako na sa pangkalahatan, tahimik ang idinaos nating Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE), bagamat may manaka-nakang madugong karahasang sumiklab sa ilang panig ng kapuluan. Sa kabila ng sinasabing non-partisan ng naturang halalan, hindi nahadlangan ang ilang pulitiko na manghimasok sa sistema ng pangangampanya—isang kapangahasang maaaring naging dahilan ng paggitaw ng hindi kanais-nais at mapanganib na mga eksena.
Sa kabila ng puspusang pagsisikap ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na pangalagaan ang katahimikan ng nakalipas na halalan, nasaksihan pa rin natin ang iba’t ibang anyo ng pananampalasan na ikinamatay ng mismong mga kalahok sa BSKE; kumitil din ito ng buhay ng ilang pribadong mamamayan. Nakakikilabot, halimbawa, ang pagpaslang kay dating Kongresista at Mayor Eufranio Eriguel ng La Union. Isipin na lamang na ang naturang opisyal ay nagtatalumpati lamang sa isang miting de avance nang siya, kasama ang kanyang dalawang bodyguards, ay walang puknat na pinaulanan ng putok. Patunay ito na wala nang ligtas na lugar sa ating bansa, lalo na kung kainitan ng pulitika.
Bagamat pinalad na makaligtas, hindi nilubayan si Daabantayan, Cebu Mayor Vicente Loot nang siya, kasama ang kanyang pamilya, ay tinambangan. May mga haka-haka na siya ay markado na, wika nga; lalo na kung isasaalang-alang na ang naturang Alkalde, na dating PNP General, ay laging pinaghihinalaang kasangkot sa illegal drugs. Isa lamang siya sa sinasabing narco-politicians na kabilang sa listahan ng umano’y mga pasimuno sa pagpapalaganap ng droga; ang ilan sa kapwa niya mayor ay tuluyan nang pinatahimik.
Bagamat maraming dekada na ang nakalilipas, nananatiling nakakintal sa aking utak ang karumal-dumal na pagpaslang sa aking bunsong kapatid na si Rogelio—ang pinakabatang Alkalde ng aming bayan sa Zaragoza, Nueva Ecija noong kanyang kapanahunan. Siya, kasama ang tatlong iba pa, ay sabay-sabay na pinatay sa mismong bulawagan ng aming munisipyo sa isang eksena na tinaguriang noon-time massacre.
Maaaring walang kaugnayan sa pulitika, subalit ang pagpaslang sa isang prosecutor sa Quezon City ay isa ring anyo ng pananampalasan na hindi dapat ipagwalang bahala ng mga alagad ng batas—ng PNP at ng iba pang security agencies.
Anupa’t hindi dapat paligtasin ang mga buhong na mga kampon ng kadilimam na walang habas sa pagpaslang.