Ni Nonoy E. Lacson

ZAMBOANGA CITY - Tatlong katao na itinuturong pumaslang sa isang kandidato para barangay chairman ang napatay matapos umano silang lumaban sa pulisya sa Labangan, Zamboanga del Sur, nitong Sabado ng hapon.

Sa naantalang ulat ng pulisya, nakilala ang mga napatay na sina Butchoy Abdul, ng Tukuran; Bakar Inok, ng Barangay Lower Sang-an, Labangan; at Salik Tabina, ng Bgy. Bulanit, Labangan, Zamboanga del Sur.

Sinabi ng pulisya na ang tatlo ang responsable sa pamamaslang sa kandidatong si Arapoc Matas sa tapat ng bahay ng isang Jonathan Salang Magdadaro sa Purok 2, Bgy. Noboran, Labangan, nitong Sabado.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Si Matas, 61, ng Purok Fatima, Bgy. Dao, Pagadian City, ay tumatakbo sa pagka-barangay captain sa Bgy. Lower Sang-an, Labangan.

Matapos matanggap ng pulisya ang impormasyon sa pamamaslang kay Matas, kaagad silang nagsagawa ng manhunt operations at nang matiyempuhan nila ang tatlong armadong suspek ay nanlaban umano ito kaya pinagbabaril nila sa Bgy. Dipaya, Labangan.

Narekober umano sa mga suspek ang isang .9mm caliber pistol at isang unit KG9 na walang magazine.

Dinampot naman ng pulisya ang dating konsehal na si Cabili Alam, na kasalukuyang officer-in-charge ng Integrated Bus Terminal ng Labangan; at anak na si Amrai Alam, incumbent kagawad sa Lower Sang-an, na isa ring re-electionist.