Ni Johnny Dayang
MATAPOS ang ilang linggo ng kaguluhan at tila kawalan ng katiyakan at direksiyon ng Boracay, waring bumalik na ang hinahon at katiwasayan sa isla. Dahil sa pansamantalang pagsasara nito sa mga turistang banyaga at Pinoy na
siyang nagbibigay buhay sa negosyo at ekonomiya nito, ang mga usapin tungkol sa kalakalan at kabuhayan doon ay nakatuon na sa sistema ng subsidiya.
Maganda man ang mga intensiyon ng gobyerno sa pagtulong sa mga nawalan ng trabaho at kabuhayan sa Boracay, maliwanag na ipinamalas ng kaguluhan ang mga pagkukulang at kamalian ng pamahalaang lokal at mga pambansang ahensiya ng gobyerno na isaayos ang mga mekanismo para mabigyan ng sapat at wastong impormasyon ang mga apektadong sector sa isla.
Bagamat maganda ang coverage ng pambansang media sa mga kaganapan sa Boracay, waring sadyang binalewala ang provincial press hinggil sa mga bagay-bagay. Malinaw itong kawalan ng hustisya sa community media ng Aklan na malaki at mahalaga naman ang ginagampanang papel, bilang kaagapay at katulong sa pagbibigay ng mga impormasyon at kaalaman tungkol sa mga layunin at sistema ng pamahalaan kaugnay sa planong rehabilitasyon ng isla.
Para lalong maging epektibo at mabisa ang gobyerno sa pakikipag-ugnayan sa mga taga-isla, hindi dapat balewalain ang kahalagahan ng lokal na lengguwahe sa paghahayag ng tamang impormasyon sa mga naninirahan doon sapagkat kapos dito ang karamihan sa mga tauhan ng pambansang mga ahensiya.
Ang media, na paraan ng mabisang komunikasyon, ay hindi lamang kailangan sa paglalahad sa publiko ng mga impormasyon tungkol sa mahahalagang detalye ng mga plano ng gobyerno. Maaari rin itong gamitin ng mga taong may kahina-hinala at pansariling mga adyenda para baluktutin ang magagandang layunin ng programa ng pamahalaan.
Umuusad na ang balangkas ng rehabilitasyon ng isla ngunit patuloy na binabalewala ang community media ng Aklan at Boracay. Tila nakalimutan na ng mga nangangasiwa ang katotohanang mahalaga rin ang naiambag nito sa paghubog ng imahe ng Boracay bilang isang pandaigdigang paraisong destinasyon ng mga turista na sadyang naging tagumpay.
Dapat katulungin ng pamahalaan ang community media sa pagsulong ng mabisa at matagumpay na rehabilitasyon ng Boracay. Mahalaga ang pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaan at mga mamamahayag sa pagsulong ng mga pangkaunlarang programa at adhikain.
Para sa maluwalhati at matagumpay na pagresolba sa krisis sa Boracay, na deklarado nang nasa ilalim ng state of calamity, sadyang mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at media para muling buhayin ito bilang Paraisong Isla ng Turismo