Ni Ric Valmonte
ISA si Pangulong Duterte sa mga itinampok sa cover story ng May 14 issue ng Time Magazine na may pamagat na “Rise of the Strong Man”. Kasama niya sina Russian President Vladimir Putin, Hungarian Prime Minister Viktor Orban, at Turkish President Recep Tayyip Erdegan. Inilarawan ng cover story ang pinuno ng Pilipinas na “dating mayor na kung magsalita ay higit na mob boss kaysa Pangulo sa pangako niyang wawakasan ang drug trade sa kanyang sariling pamamaraan ng pagpapairal ng katarungan.” “Ang sabi nila ay ako ay strong man. Hindi kailanman ako nagpakulong. Pwede mo akong batikusin at tawagin bullshit na walang katapusan at kaya ko itong tanggapin dahil kayo ang aking amo. Ako ay empleyado lang ng gobyerno,” sagot ng Pangulo sa kanyang talumpati sa 37th Principals Training and Development and National Board Conference sa Davao City. Binigyan niya ng diin na kailanman ay hindi raw siya umakto bilang hari ng Pilipinas. Nagwagi, aniya, ako sa isyu ng paglaban sa corruption dahil siya lang ang nagdala ng mensaheng ito na angkop sa panahon.
Hindi nagustuhan ng Pangulo ang ibilang siya na isa sa mga lider ng mga bansa ng Time Magazine na strong man. Kasi, inilarawan siyang lider ng mga mandudumog kung magsalita sa pangako niyang tatapusin niya ang pangangalakal ng droga sa kanyang sariling uri ng katarungan. Kahit sinuman ang nasa kalagayan ng Pangulo, ganito ang magiging reaksyon niya. Hindi gaya ng tatlong lider na nakasama niyang itinampok ng Time Magazine, siya ay pinuno ng demokratikong bansa. Ipinagmalaki pa nga niya na siya ay nagwagi sa halalan para sa panguluhan ng bansa ng mahigit na anim na milyon ang kalamangan niya sa sumunod sa kaniya.
Ang problema, mahirap ipagkaila o itago sa magandang pananalita ang naganap at nagaganap pang war on drugs. Kaya itinuring na strong man ang Pangulo dahil ang pamamaraan niya sa pagsugpo ng droga, ay kawangis ng pamamaraan ng mga nakasama niyang tatlong lider sa Time Magazine upang maresolba ang mga problema sa kani-kanilang bansa.
Kailangan pa bang may ipinadarakip ka at ipinakukulong para tawagin kang strong man? Ang strong man ay gumagamit ng kamay na bakal. Hindi makatwiran at makatarungan ang ginagamit mong pamamaraan sa paglapat mo ng lunas sa problema ng iyong bansa. Wala ka ngang ipinakukulong, pero sa pagpapatupad mo sa pangako mong lutasin ang problema ng iyong bansa ay napakaraming napapatay sa sarili mong pamamaraan, strong man ka.
Ang strong man ay walang puwang sa demokratikong bansa. Ang lider sa demokratikong lipunan ay nilulutas ang problema sa pamamagitan ng batas. “Government of laws and not of men” tayo
Kaya, madaling intindihin ang pagtanggi ni Pangulong Digong na ilarawan siyang strong man lalo na’t ibinilang siya sa mga lider na ganito ang gawi, sa pandaigdigang magazine. Pero, hindi fake news ang inihayag ng Time Magazine.