MAPAPANOOD si Enchong Dee sa isang mapanghamong pagganap bilang binatang may kapansanan ngunit hinarap ang buhay na may positibong pananaw ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Sa tuwing naririnig ni Ven ang papalapit na truck ng tatay na si Gregorio, madalas niya itong salubungin. Ngunit ang pangyayaring ito ay panaginip na lamang sa kanya nang bigla siya tamaan ng polio na nagdulot ng pagkaparalisa ng kanyang katawan.
Pero hindi nawalan ng pag-asa ang binata na ipagpatuloy ang kanyang buhay. Sinikap pa rin niyang mag-aral, katulad ng kanyang mga kapatid. Dahil sa pagpupursige, nakakuha pa siya ng scholarship sa high school.
Ngunit hindi pa pala tapos ang dagok sa kanyang buhay dahil pumanaw ang kanilang ina.
Paano niya malalabanan ang pangungulila sa ina? Ano ang nag-udyok sa kanya para ituloy ang paglaban sa buhay at maging inspirasyon sa kanyang kapwa PWD?
Makakasama ni Enchong sa upcoming episode sina Epi Quizon, Ina Raymundo, CX Navarro, JB Agustin, Yasmyne Suarez, Marc Aceuza, at Nikki Bacolod mula sa panulat nina Joan Habana at Arah Jell Badayos at sa direksiyon ni Raz dela Torre. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head na si Roda C. dela Cerna.
Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.
Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.