Ni Jun Fabon
Patay ang apat na armadong lalaki matapos mauwi sa engkuwentro ang checkpoint sa Barangay Payatas, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ni Police Supt. Rossel I. Cejas, hepe ng Batasan Police-Station 6, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga napatay na tinatayang nasa edad 35-40.
Sinasabing miyembro ang apat ng carnapping at gun-for-hire syndicate sa Quezon City.
Sa imbestigasyon ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang engkuwentro sa pagitan ng mga suspek at ng awtoridad dakong 2:20 ng madaling araw.
Dumaan umano ang dalawang motorsiklo, lulan ang mga suspek, sa Payatas B kung saan itinalaga ang mga tauhan ng STAG at HPG para sa checkpoint, dakong 2:20 ng madaling araw.
Pinahinto ng mga tauhan ng STAG at HPG ang mga suspek, ngunit sa halip na tumigil ay pinaputukan umano ng mga ito ang awtoridad hanggang sa nagbarilan at tuluyang bumulagta ang apat.
Narekober sa pinangyarihan ang dalawang .45 kalibre na baril, dalawang motorsiklo na walang plaka, at 14 na basyo ng bala.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente, habang hinihintay ang resulta ng autopsy para malaman ang pagkakakilanlan ng mga suspek.