MAGITING na iwinagayway ng Team Pilipinas ang bandila ng tagumpay matapos manaig laban sa mas malalaking katunggaling Thailand Chulalongkorn, 50-40, sa isang mahigpitan at pisikal na bakbakan sa hardcourt upang angkinin ang korona ng Pacific Rim NCAA Basketball Championship Under-14 na idinaos sa homecourt ng kalaban na Chulalongkorn University Coliseum sa Bangkok, Thailand kamakalawa ng gabi.
Nalagasan man sa tao dahil sa injuries,nanindigan ang mga nalalabing bayani ng pambansang koponan upang makipagsabayan sa gulangan, at taktika ng host team at kanya-kanyang papel ang ginampanan para maiuwi ang karangalan bunga ng determinasyon ,tapang at pagmamahal sa bayan .
Pinamunuan ni San Beda Taytay frontliner Prince Ray Alao ang pananalasa sa puwersa ng Thai squad sa kanyang madulas na opensa sa kabuuan ng laro upang tanghalin siyang Most Valuable Player [MVP] ng prestihiyosong torneo na nilahukan ng mga bansang sakop ng Pacific Rim..
Naging matalas at mahusay ang pag-orchestrate ng play ni spitfire Lanze Ronquillo at ang malagkit na depensa nina Nathaniel Manarang na umeksena rin sa opensa,Cole Bathan at Deandre Largueza sa kabilang dulo na kumontrol sa star player ng Thais upang matapatan ang pisikal na estilo ng punong -abalang katunggali bukod pa sa pagbalewala sa mga kantyaw ng homecrowd sa Bangkok.
Pumutok din ang opensa nina Yco Protacio, ,Toncchie Conde,,Dexter Alapar, Marlion Alcera,Red Caidic at role plays nina Jabez Lirazan,at Marcus Espiritu para sa kalat na produksiyon ng bataan ni coach Manu Inigo.
“Na-neutralize ng mga bata ang gulang ng laro ng mga kalaban ,maganda ang ipinakitang tapang at ang motibasyon sa kanila na hindi lamang paaralan ang panalo kundi ang bansa natin mismo.Kaya hats off tayo sa kabayanihan nila,” pahayag ni Inigo, inalay din ang tagumpay sa mga injured na sina J.E.Lopez,Jharmaine Lecciones at Gelo Alonte at ipinagmalaking sila ay bahagi ng kampeong koponan sa kasaysayan ng Pilipinas pati na sa mga magulang ng mga bata na nag-sakripisyo ng aruga sa kanilang pagdayo para sa bayan.