Ni Dave M. Veridiano, E.E.
ILANG araw na lamang at idaraos na ang halalang pang-barangay at heto, buong pagmamayabang na ibinabando ng dalawang sangay ng pamahalaan ang kanilang mga operasyon laban sa mga opisyal na ipinangangalandakan nila na sangkot sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot sa kanilang mga nasasakupang barangay.
Mahigit dalawang taon na silang nakaupo sa mga puwesto sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ngayong halos 13 araw na lamang – matapos ang paulit-ulit na postponement -- at botohan na para sa mga uupong bagong opisyal ng barangay, ay ngayon pa lang ang mga ito poporma at mag-aanunsiyo ng ganito?
Ang dapat yata ay noon pa pinag-aaresto at pinagsasampahan ng kaso ang mga opisyal ng barangay na sinasabi nilang positibong sangkot sa droga. Hindi ngayong ilang tulog na lang ay barangay election na!
Napaka-unfair para sa mga “dagang dingding” sa lipunan na napaghinalaan lamang na gumamit o nagtulak ng droga, ay basta na lamang tumimbuwang sa bawat sulok ng mga barangay sa buong kapuluan, habang ang mga opisyal ng barangay na ito ay pakuya-kuyakoy lamang sa kanilang mga opisinang air-conditioned.
Ayon sa naglabasang balita – ipinakita sa media ni PDEA chief Director Gen. Aaron N. Aquino ang listahan ng mga opisyal ng barangay na umano’y sangkot sa bentahan ng ilegal na droga, sa press conference na idinaos noong Lunes sa tanggapan ng ahensiya sa Quezon City. Dito ay isinapubliko niya ang walong pahinang listahan ng 207 opisyal ng barangay na umano’y sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga, na kinabibilangan ng 90 chairman at 117 kagawad. Karamihan sa nasa listahan ay nagmula sa Region 5, na may kabuuang 70, na sinundan ng Cordillera sa 34, at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na may 13.
Hindi nag-iisa si Aquino, siyempre, katabi niya sa press conference ang iba pang opisyal na sina DILG secretary Eduardo Año, Dangerous Drugs Board (DDB) Secretary Catalino Cuy, at ang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, Surigao Del Norte 2nd District Rep. Robert “Ace” Barbers.
Parang pinagtiyap ng pagkakataon, may kasabay na pakulo rin ang DILG. Uumpisahan na raw nila ang paghabol sa mga opisyal ng barangay na “natutulog sa pansitan” sa paglaban sa lumalalang problema sa droga sa kanilang lugar. Sinimulan na ito ng DILG sa pamamagitan nang pagsasampa ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman laban sa limang opisyal ng barangay sa Maynila. Hindi raw kasi maayos ang pangangasiwa ng mga nasabing opisyal sa kani-kanilang Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs) kaya tuloy ang pagkalat ng illegal drugs sa nasasakupan ng mga ito.
Bago pa ang mga eksenang ito, ay nanawagan ang pamahalaan sa mga botante na huwag iboto sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 14, 2018 ang mga kandidato na hinihinalang sangkot sa droga.
Ano ba ‘yan – sino ang ‘di maniniwalang bahagi ito ng isang simpleng pamamaraan para masibak ang mga “bata-bata” na kalaban ng mga maimpluwensiyang pulitiko na nakaluklok ngayon sa puwesto, at ng sa ganoon ay mga manok naman nila ang siguradong manalo?
At bakit nga ba kailangang maging bata ng ilang pulitiko ang dapat manalong opisyal ng mga barangay sa kanilang nasasakupan? Sa aking palagay ay napaka-simple lang -- ang solidong boto kasi ng bawat barangay ang nagpapanalo o nagpapatalo sa kandidato na tumatakbo sa isang mataas na puwesto sa gobyerno!
‘Wag nating kalimutan ang bukambibig ng mga nakaupong barangay chairman tuwing magkaka-eleksyon sa bansa: “Isang barangay kaming susuporta sa kandidatura mo bossing. Bata mo ako eh!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]