Ni Mary Ann Santiago

Inaasahan ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na may 8,000 manggagawa ang makikilahok sa mga kilos-protestang ilulunsad sa Maynila ngayong Labor Day.

Kaugnay nito, inihayag ng MPD na magpapakalat ito ng 2,000 pulis sa lungsod, habang nasa 10,000 pulis naman ang ipakakalat ng Philippine National Police (PNP) sa buong Metro Manila upang magbantay at magbigay ng seguridad sa mga taong makikilahok sa kilos-protesta.

Ayon kay Supt. Erwin Margarejo, hepe ng Public Information Office (PIO) ng MPD, dakong 5:00 pa lamang ng umaga ay sisimulan na nila ang deployment ng mga pulis, partikular sa tapat ng US Embassy, sa Mendiola, sa harap ng Department of Labor and Employment (DoLE), sa Malacañang, sa Liwasang Bonifacio, sa Plaza Miranda, at sa Morayta.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

PASAWAY AARESTUHIN

Nagbabala naman si Margarejo na sakaling may lalabaging batas ang mga raliyista ay hindi sila magdadalawang-isip na arestuhin ang mga ito.

“We are requesting the protesters to guard their ranks not to resort to violence because the police presence will assure them that their constitutional rights are protected and respected for as long as it is peaceful and without any violation of law,” aniya.

Pinaalalahan din ng MPD ang mga motorista na umiwas sa nabanggit na mga lugar na pagdarausan ng rally upang hindi maabala sa trapiko.

LIBRENG SAKAY

Samantala, magbibigay ang Philippine National Railways (PNR) ng libreng sakay sa mga manggagawa ngayong Labor Day.

Batay sa abiso ng Department of Transportation (DOTr) at ng PNR, nabatid na para sa mga pasaherong patungong Alabang, libre ang sakay ng mga manggagawa sa pagitan ng 6:07 ng umaga at 7:37 ng umaga, at mula 4:07 ng hapon hanggang 5:37 ng hapon.

Para naman sa mga patungo ng Tutuban, libre ang sakay sa pagitan ng 5:46 ng umaga at 7:30 ng umaga, gayundin sa pagitan ng 4:00 ng hapon hanggang 5:30 ng hapon.

Upang makapag-avail ng libreng sakay sa PNR, kinakailangan lamang na magprisinta ng company ID.

Bukod sa PNR, magpapatupad din ng libreng sakay ang Metro Rail Transit (MRT)-Line 3 ngayong Martes.