Ni Marivic Awitan

GINAPI ng College of St. Benilde sa una nilang pagsalang ang Jose Rizal University, 104-83, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Filoil Flying V Pre Season Premier Cup sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Sa pamumuno ng nagbabalik na si Yankie Haruna na nagposte ng 16-puntos, nagawang gapiin ng Blazers sa unang pagkakataon makalipas ang ilang taon.

Sa una ring pagkakataon sa nakalipas ng pitong taon ay umiskor ng lagpas sa century mark ang Blazers.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Ang kabiguan ang ikalawang sunod para sa Heavy Bombers na nauna ng natalo sa kapwa NCAA team Lyceum of the Philippines University sa una nilang laban.

Bukod kay Haruna, tumapos ding may double digit para sa tropa ni coach TY Tang sina Jimboy Pasturan at Edward Dixon na kapwa may tig-13 puntos.

Nanguna naman para sa Heavy Bombers na nalaglag sa ilalim ng standings ng Group B sina MJ de la Virgen at Aaron Bordon na may tig-15 puntos.