Ni Genalyn D. Kabiling

Inihayag ni Pangulong Duterte ang posibilidad na magbitiw siya sa puwesto kapag hindi naipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ngayong taon.

Sa kanyang pagbisita sa Maguindanao nitong Miyerkules, sinabi ng Pangulo na itataya niya ang kanyang pagkapresidente sa muling pangako niyang aapurahin ang pag-apruba sa panukalang BBL sa susunod na buwan.

“Let us fast-track the BBL…Nangangako ako na before May, lulusot ‘yan after—before the end of May, lulusot na ‘yan. ‘Pag hindi, baka mag-resign ako pagkapresidente. Inyo na lang ‘yan hindi ko talaga kaya,” sinabi ni Duterte sa turnover ng mga ilegal na armas sa Buluan, Maguindanao.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

“Wala ring silbi, eh. Kung bigyan mo lang naman ako ganitong administrasyon, until the end of my term, frankly, I would rather resign. Napapagod na ako to solve the problem,” dagdag niya.

Nangako ang mga pinuno ng Kongreso na ipapasa ang matagal nang naantalang BBL sa Mayo 30 sa huling pakikipagpulong ng mga ito kay Duterte sa Malacañang.

Una nang nagbabala ang Pangulo na muling sisiklab ang kaguluhan sa Mindanao kapag hindi naipasa ang panukala, na magtatatag ng rehiyong Bangsamoro.

“Give me time, this year. Hindi ako nag-next year, next election. This year. Kukumpletuhin ko ‘yan. Unahin muna natin ‘yung BBL,” pahayag ni Dutere sa Moro community.

“Ako, gusto ko mapwesto kayo. At kausapin ko si Nur (Misuari, pinuno ng Moro National Liberation Front) kung ano rin ang arrangement. But you will have a definite Moro territory. Puwede na natin tingnan d’yan,” sabi pa ng Presidente. “Kaya sabi ko, the whole of Mindanao. Lahat ng gobyernong lupa, inyo na ‘yan. Tao naman talga ang may-ari, eh. Wala man ring silbi. It is underdeveloped.”