Ni FER TABOY, ulat ni Anthony Giron

Patay ang limang miyembro ng isang pamilya sa sunog na sumiklab sa Bacoor, Cavite, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa report ng Bureau of Fire Protection-Bacoor Fire Station (BFP-BFS), sumiklab ang sunog dakong 2:10 ng umaga sa F.E. De Castro Subdivision II sa Barangay Aniban V sa Bacoor.

Kinilala ni Senior Fire Officer Emmanuel Arcallana ang mga nasawi na si Christopher Moyano, 37; kinakasama niyang si Shirley Abalos, 27; at mga anak nilang sina Christiane Juliane, 14; Chris Nathan, 3; at Samuel Dane, apat na buwan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Batay sa report ni Bacoor Fire Marshal Senior Insp. Alyster C. Castro, magkayakap ang bangkay ng mag-inang Shirley at Chris Nathan, habang ang tatlong mag-aama ay nakahiga malapit sa pintuan ng maliit na banyo.

Sinabi ni Arcallana na tumagal ang sunog hanggang 4:11 ng umaga.

Nang mapasok ng mga bombero ang bungalow type na bahay ng mag-anak ay natagpuan ang pamilya na magkakasama sa loob ng banyo.

Ayon sa mga kapitbahay, bagong lipat lang sa lugar ang pamilya kaya hindi pa nila gaanong kilala ang mga ito.

Hinala naman ng BFP-BFS na nasa kasarapan ng tulog ang mag-anak nang magising dahil sa sunog at napatakbo nang magkakasama sa loob ng banyo, at doon na namatay.

Inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng sunog.