Ni ADOR V. SALUTA

RAMDAM na ramdan ng netizens ang pagiging “bitter” o sama ng loob ni Kris Aquino sa dating asawang si James Yap. Komento ng ilan, hanggang ngayon daw ay hindi tila pa rin nakaka-move-on si Kris sa hiwalayan nila ni James.

Korina 2 copy

Sa panayam sa kanya nitong mga nakaraang araw, tinawag ni Kris na “fake”, “user”, “deadbeat dad”, at kung anu-ano pa ang tatay ng kanyang anak na si Bimby Aquino Yap.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Ngayon naman ay may bagong inaaway si Kris, ang TV host na si Korina Sanchez matapos i-feature ng huli sa programa nitong Rated K, nitong Linggo ang happy life ni James at current partner nitong si Michela Cazzola kasama ang kanilang unico hijo na si Michael James, na magdadalawang taon na.

Bagama’t hindi nabanggit sa nasabing panayam sina Kris at Bimby, tila hindi nagustuhan ni Kris ang napakagandang pag-feature ng programa ni Korina sa pamilya ng dating asawa.

Inere ang nasabing episode dalawang araw matapos maglabas si Kris ng sama ng loob tungkol sa kanyang dating asawa at sa pagiging pabaya nito diumano sa kanyang responsibilidad bilang ama ni Bimby.

Sa kanyang Instagram post ilang oras matapos ang feature sa Rated K, binalikan ni Kris ang naging pagsuporta niya sa kandidatura noon ni Mar Roxas, na asawa ni Korina.

Matatandaang inendorso ni Kris at kapatid nitong dating President Benigno “Noynoy” Aquino III si Mar Roxas, for president.

Saad niya, “i have really had ENOUGH. Simple lang- minsan lang akong pinakiusapan ng kapatid ko- never para sa sarili nya pero para sa kandidatong inendorso nya. Dahil mahal ko sya ginawa ko. Lahat ng batikos ng dahil sa pagtulong na yon tinaggap ko...

“Tatlong beses akong nagpunta sa Davao- sa kampanya nung 2010, kampanya 2013 para kay Sen Chiz & Sen Grace at nung nag Kris Tv.

“Si PRRD lahat nung pagkakataon na nagkaharap kami, mabuti ang pinakita sa kin.”

Ayon kay Kris, sampal sa kanya ang ginawang feature ng programa ni Korina, na tinawag lang niyang “Misis ni Mar Roxas.”

Post niya, “Sampal sa mukha ko ang inilabas na feature ngayong gabi nung misis ni Mar Roxas.

“Yes pinepersonal ko dahil binuwis ko ang kinabukasan namin ng mga anak ko ng walang inasahang kapalit.

“At ang ganti sa kin at sa mga anak ko ngayon ay binida pa ang deadbeat na tatay...”

Sa huli, sinabi ng 47-year-old TV host na malinaw na sa kanya kung bakit si President Rodrigo Duterte ang nanalo sa 2016 Presidential elections.

“I apologize sa Kuya ko, humihingi rin ako ng paumanhin sa ninang ko na nanay ni Mar- pero klarong klaro sa kin kung bakit ang nanalong Pangulo ay si DUTERTE.”

Kasama naman sa post ni Kris ay ang litrato nila ni Duterte sa isang episode ng Kris TV.

Dating magkaibigan at co-hosts ng programang Morning Girls with Kris and Korina ang dalawa, na tumagal ng tatlong seasons mula January 2003 hanggang May 2004.