Nina JUN FABON at CHITO A. CHAVEZ

Inihihirit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isa pang extension sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa puwesto sa Sangguniang Kabataan (SK) dahil sa mababang turnout.

Sa press conference kahapon, sinabi ni DILG Assistant Secretary at spokesperson Jonathan Malaya na umaasa silang pagbibigyan ng Commission on Election (Comelec) ang kanilang kahilingan.

Tinukoy ni Malaya ang ilan sa mga dahilan kung bakit maraming kabataan ang hindi nakapaghain ng kanilang kandidatura. Ito ay ang tatlong beses na pagpaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), anti-dynasty campaign at pagbabago sa edad ng mga kandidato, na dapat ay 18 hanggang 24-anyos. Karamihan din sa mga kabataan ay nakapag-enrol sa eskuwela at nag-aaral na kaya hindi na tumakbo pa para sa halalan sa Mayo 14, 2018.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nitong nakalipas na Sabado, Abril 21, ang deadline ng paghahain ng certificate of candidacy para sa BSKE. Sa tala ng Comelec, mayroong 1,070,991 COC ang naihain kapwa sa barangay at youth council elections ngunit may iba pang opisina sa ibang mga lokalidad

ang hindi pa nakapagsusumite ng mga resulta ng COC filing.

Nauna rito ay sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na tinitipon pa ng poll body ang mga numero para sa Sabado. Sa 1,070,991 naihaing COC, 684,785 ay para sa puwesto sa barangay at 386,206 ang para sa puwesto sa SK.

May kabuuang 671,168 posisyon ang dapat na punan para sa halalan sa Mayo 14 -- 335,584 para sa barangay at 335,584 para sa SK.

Ayon kay Malaya, iniulat ng National Youth Commission (NYC) na may mga lugar na walang filing turnouts at maaari itong maging dahilan para hilingin ng DILG ang isa pang extension.

“Pero it will still depend on the Comelec kung papayag ito,” ani Malaya.

Sakaling hindi pumayag ang Comelec, maaaring irerekomenda ng DILG sa mga municipal at city mayor na maglagay ng Local Youth Development Officers para may kinatawan ang kabataan.

Binanggit naman ni Department of Education Undersecretary Alain Del Pascua na maaaring nagkulang sa pagpapalaganap ng impormasyon ang Comelec kaya nilangaw ang COC filing.