Nina Aaron B. Recuenco at Fer Taboy

Nagsagawa na kaagad ng pagbalasa sa kanyang mga tauhan ang bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Director General Oscar Albayalde.

Ito ay makaraang italaga niya si Director Camilo Pancratius Cascolan bilang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na dating puwesto ni Albayalde.

Si Cascolan ay kaklase ni Albayalde sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1986, kasama si retired PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“I will be replaced by Director Cascolan at the NCRPO. He is qualified and he performs well,” pagmamalaki ni Albayalde.

Ang binakanteng posisyon ni Cascolan bilang hepe ng Directorate for Operations ay pupunan naman ni Chief Supt. Mao Aplasca, miyembro ng PMA Class 1987.

Ang iniwang puwesto ni Aplasca bilang director ng Police Regional Office (PRO)-4A ay sasaluhin ni Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, na dating director ng Quezon City Police District (QCPD).

“The reshuffle was triggered by my appointment as PNP chief,” paglilinaw ni Albayalde.

Nilinaw din ni Albayalde na hindi siya na-pressure upang italaga si Cascolan sa NCRPO sa gitna ng balitang para sana kay Eleazar ang tungkulin.

“I do not decide on my own. I have an oversight committee. We deliberate on the performance of our people even on my classmates that include history on experience and skills over the years when they entered the service,” paliwanag ni Albayalde.

Kaugnay nito, pinag-aaralan naman ni Cascolan ang pagsasagawa ng balasahan sa mga district director sa Metro Manila.

Wala pa, aniya, siyang napipisil na mga district director dahil pag-aaralan muna niya ang performance ng mga kasalukuyang nakaupo sa puwesto.

Sinabi pa ni Cascolar na tatalakayin rin niya kay Albayalde ang planong balasahan.