PINASALAMATAN ni Mariah Carey ang kanyang fans dahil sa kanilang “overwhelming” na suporta makaraan niyang ibunyag na mayroon siyang bipolar disorder, na halos dalawang dekada na niyang pinaglalabanan.
Batay sa ulat ng Entertainment Tonight, nag-post ang 48 taong gulang na mang-aawit ng kanyang nakangiting larawan sa Instagram nitong Sabado, kasabay ng pasasalamat niya sa lahat ng kanyang fans at paghikayat sa mga ito na manatiling positibo.
“I’ve been hard at work, feeling inspired by each of your stories and uplifted by your overwhelming support,” saad sa Instagram post ni Carey nitong Linggo. “Let’s continue to encourage each other on our journeys.”
Inamin ni Carey nitong nakaraang linggo na siya ay taong 2001 pa nang ma-diagnose siyang may bipolar disorder, isang kondisyon na mayroong “moods cycling between high and low over time.” Ang kanyang partikular na kondisyon, kahit na bipolar II, ay walang kaakibat na extreme highs, kaya naman delikado siya sa depresyon, saad pa sa ulat ng Entertainment Tonight.
Binanggit din ni Carey na sumasailalim siya sa gamutan, na nakatutulong upang mapakalma niya ang sarili.
Umamin na siya sa publiko, aniya, dahil nais niya na “get to a place where the stigma is lifted from people going through anything alone.”
Hindi si Carey ang unang celebrity na umamin na nakararanas ng bipolar disorder. Una nang umaming may kaparehong sakit sina Demi Lovato, Catherine Zeta-Jones, Jane Pauley at Carrie Fisher, na nagsiwalat pa ng detalye tungkol sa kanilang karanasan, ayon pa rin sa report.
Ipinagmalaki naman ng dating asawa ni Carey, si Nick Cannon, ang ginawang pag-amin ng superstar sa publiko tungkol sa sakit nito.
“He’s proud of her for coming forward and using her platform for good,” lahad ng source na malapit kay Canon sa ET.
“He loves her as the mother of his children and always wants what is best for her.”