Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Tinanggap ng Malacañang ang inisyatibo ng Facebook sa fact-checking upang mapigilan ang pagkalat ng mga maling impormasyon, ngunit iprinotesta ang magiging tagasuri dahil ang dalawang napiling news agency ay anti-Duterte umano.
Inihayag ng Facebook nitong nakaraang linggo na pinili nito ang online news agency na Rappler at Vera Files para sa third-party fact-checking program sa Pilipinas, upang masupil ang pagkalat ng pekeng impormasyon sa naturang social media platform.
Sinertipikahan ang dalawang news agency bilang mga non-partisan International Fact-Checking Network at sila ang magsusuri kung may katotohanan at tama ang mga balitang lalabas sa Facebook.
Pinuri ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang desisyon ng Facebook na maglunsad ng third-party fact-checking program, at sinabing ito ang solusyon upang masugpo ang pagkalat ng fake news sa platform.
Gayunman, ipinahayag niya ang kanyang pangamba hinggil sa pagkakapili sa Rappler at Vera Files para maging tagasuri.
“I would say that the efforts of Facebook to counter fake news is the solution and not legislation,” aniya sa press briefing sa Palasyo nitong Lunes.
“However, there are those complaining that the chosen police of the truth, so to speak, are sometimes partisan themselves. Of course this, the problem with truth that can be subjective, depending on your political perspective,” dagdag pa niya.
“That is why I commiserate with those who object the selection of Rappler and Vera Files because we know where they stand in the political spectrum,” patuloy niya.
Pinuri rin ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang nasabing hakbangin ng Facebook, bagamat iginiit ni PCOO Undersecretary for New Media Lorraine Badoy na hindi rin sang-ayon ang kanilang tanggapan sa pagkakapili sa Rappler at sa Vera Files.