Ni Argyll Cyrus B. Geducos

HONG KONG – Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang matungo sa Kuwait anumang oras matapos malaman na pumayag ang Kuwaiti government sa mga kondisyong inilatag ng Pilipinas para mapabuti ang working at living conditions ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Gulf state.

Ito ang ipinahayag ni Duterte sa pakikipagpulong niya sa halos 2,000 miyembro ng Filipino community sa Hong Kong nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Duterte, pumayag ang Kuwait sa mga kondisyon na nais niyang isama sa draft agreement na lalagdaan ng dalawang bansa.

Sen. JV walang tinatanaw na 'utang na loob sa UniTeam: 'I was boosted out of the line up!'

“I’m going to Kuwait maybe for the signing. And I have made so many demands before we sign the contract. And in fairness to the Kuwait government, pumayag sila,” aniya.

“I think that to give honor also to the Kuwaiti government, I will go there for the signing just to witness it,” aniya.

Muling idiniin ni Duterte na nais niyang mabigyan ng isang araw na pahinga (day off) kada linggo ang mga Pinoy sa Kuwait. Sinabi rin niya na hindi dapat kumpiskahin ang passports ng OFWs.

Sinabi rin niya na dapat payagan ang OFWs na magkaroon ng cellphone at gamitin anumang oras nilang nanaisin. Sinabi ni Duterte na nais niyang direkta siyang tawagan ng OFWs kung mayroon silang mga reklamo.

“My number is probably Manila, 638888. That’s the hotline. 8888 lang,” ani Duterte.

Sinabi rin ni Duterte na pumayag ang goyerno ng Kuwait na pahintulutan ang mga Pilipino na magluto ng kanilang sariling pagkain maliban sa karneng baboy at iba pang pagkain na itinuturing na haram o ipinagbabawal sa Islam.

Ang matupad ang mga kondisyong ito para sa kabutihan ng mga Pinoy ang isa sa mga kondisyon ni Duterte para alisin ang total deployment ban sa bagong OFWs sa Kuwait.