BAGO nakilala sa kanyang mga makasaysayang obra, binigyang kulay ng pag-ibig at pinatibay ng iba’t ibang karamdaman ang buhay ng National Artist for the Visual Arts na si Cesar Legaspi.
Panoorin ang kuwento ng buhay ng master painter at ng asawang si Betty sa natatanging pagganap nina Ian Veneracion at Angel Aquino sa Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado (Abril 14) sa ABS-CBN.
Lumaki bilang masakiting bata, nadiskubre ni Cesar na siya ay color blind pagtungtong ng kolehiyo habang nag-aaral ng Fine Arts. Ngunit hindi ito naging hadlang para abutin niya ang kanyang mga pangarap at magpatuloy sa pagpipinta.
Pagsapit ng 1930s, nakikilala niya ang magiging pinakamalaking tagasuporta niya – si Betty – ngunit hindi magiging madali para sa kanila ang pagkakaroon ng relasyon dahil tutol sa kanya ang pamilya ng dalaga.
Kalaunan ay pumayag ang pamilya ng dalaga na pakasalan siya ni Cesar. Ngunit tatamaan naman ng panibagong pagsubok ang kanilang pagsasama – magiging bedridden si Cesar dahil sa emphysema, at kinailangan din niyang talikuran ang sining upang magtrabaho sa isang promotions company.
Alamin kung paano pinagsabay ni Cesar ang pagpapakadalubhasa sa pagpipinta at pakikipaglaban sa pag-ibig at paano nalagpasan ng mag-asawa ang iba’t ibang pagsubok sa kanilang buhay.
Makakasama nina Ian at Angel sa upcoming episode sina Patrick Sugui, Mary Joy Apostol, Ria Atayde, Krystal Mejes.
Josef Elizalde, Nathaniel Britt, Jessica Marasigan, Dexie Daulat, Mica Javier, Jane de Leon, Aurora Sevilla, Andre Garcia, Carla Martinez, at Hannah Ledesma.
Ang episode ay mula sa panulat ni Benson Logronio at sa direksiyon ni Jeffrey Jeturian.