Nina MARTIN A. SADONGDONG at FER TABOY
Sumuko kahapon sa Philippine National Police (PNP) ang umano’y middleman ng iniulat na P50-million bribery case na kinasasangkutan ng gaming tycoon na si Jack Lam at ng mga sinibak na opisyal ng Bureau of Immigration (BI), sa kabila ng mga pagbabanta sa kanyang buhay.
Sumurender si retired Senior Supt. Wenceslao “Wally” Sombero, Jr., dating opisyal ng PNP-Crime Investigation and Detection Group (CIDG), kina incoming PNP chief at kasalukuyang National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Oscar Albayalde at CIDG Director Roel Obusan, sa PNP national headquarters sa Camp Crame, Quezon City.
Sinabi ni Albayalde na nitong Abril 10, tinawagan siya ng dalawang retiradong senior officers ng PNP, na kapwa hindi pinangalanan, at sinabing nais sumuko ni Sombero sa awtoridad.
“I received a phone call from the two retired senior police officers and they are the ones who facilitated the surrender,” ani Albayalde.
Ang pagsuko ni Sombero ay kasunod ng inisyung arrest order ng Sandiganbayan Sixth Division laban sa kanya, gayundin ang pagdakip kina dating Immigration commissioners Al Argosino at Michael Robles dahil sa plunder, habang paglabag naman sa Presidential Decree 46 ang kay Jack Lam.
Sinasabing si Sombero ang nasa likod ng pagpapalaya sa 1,316 na Chinese na naaresto noong Nobyembre 2016, kaugnay ng ilegal na pagtatrabaho sa Lam’s Fontana Leisure Park Hotel and Casino sa Clark, Pampanga. Inakusahan siyang nagbigay ng P50 milyon kina Argosino at Robles matapos ang pulong kay Department of Justice (DoJ) Secretary Vitalliano Aguirre II, na mariing itinanggi ni Sombero.
Sa kanyang panig, ibinunyag ni Sombero na nagpasya siyang sumuko sa PNP dahil dati siyang opisyal at magiging mas ligtas siya kasama ang mga dating kabaro. Inamin din niya na nakatatanggap siya ng mga pagbabanta sa kanyang buhay na hindi na bago umano sa aktibo o retiradong opisyal.
Inihayag naman ni CIDG Obusan na dinala si Sombero sa Sandiganbayan matapos isailalim sa booking procedures at dokumentasyon sa Camp Crame. Tiniyak ni Obusan na walang “special treatment” kay Sombero kahit dati itong opisyal ng CIDG.