Ni Celo Lagmay
NANG matunghayan ko ang ulat hinggil sa napipintong soft opening o pagsisimula ng operasyon ng Pasig River Ferry (PRF) na pamamahalaan ng Department of Budget and Management (DBM), naniniwala ako na mistulang sinagip ng naturang kagawaran ang kawalan ng aksiyon o interes ng Department of Transportation (DOTr) sa paglutas ng matinding problema sa trapik. Ang naturang sistema ng transportasyon ang inaasahang makapagpapaluwag sa land traffic na matagal ng ipinanggagalaiti ng sambayanan.
Ang DOTr, na pinamamahalaan ni Secretary Arthur Tugade, ang inaasahan namang mangangasiwa sa PRF sapagkat nakaatang sa balikat ng naturang ahensiya ang lahat ng bagay o problema na may kaugnayan sa transportasyon. Subalit bigla na lamang nailipat sa DBM, na pinamamahalaan ni Secretary Ben Diokno, ang rehabilitasyon ng naturang transport system.
Dahilan marahil ito sa mga kapalpakan ng DOTr sa paglutas ng buhul-buhol na trapik, kaakibat ng walang katapusang aberya sa MRT-3 at iba pang paltos na pamamahala sa railway system.
Tanggapin natin na ang DBM ang may sapat na kakayahan sa pamamahala ng PRF. Tulad ng sinabi ni Senate President Pro-Tempore Ralph G. Recto, “DBM has the money; Diokno is the guardian of the coffers.” Ibig sabihin, magiging madali ang pagpapalabas ng pondo para sa rehabilitasyon ng naturang ferry system.
Isa pa, si Diokno lamang ang miyembro ng Gabinete na ang tanggapan ay kahanay ng Pasig River. Natutunghayan at nalalanghap niya ang ilog mula sa kanyang opisina. Nangangahulugan na ang solusyon sa matinding trapik ay nasa labas lamang ng kanyang durungawan.
Bagamat napipinto na ang operasyon ng PRF, marapat na isaalang-alang ang kaakibat na mga problema sa mismong ilog na malimit taguriang nautical highway. Maaaring hindi pa ganap na nababawi o naaalis ang katakut-takot na water lily o water hyacinth na nakahambalang sa Pasig River; ang mga ito ang tiyak na nakasasagabal sa mabilis at ligtas na paglalayag ng mga ferry boat. Hanggang ngayon ay tila inirereklamo pa ang ilang pabrika sa gilid ng naturang ilog na nagpapaagos ng kani-kanilang mga basura na nagiging dahilan ng labis na pagdumi o polusyon at pagbaho ng tubig na hindi malayong malanghap ng mga pasahero.
Sa kabila ng nakadidismayang mga obserbasyong ito, naniniwala ako na ang rehabilitasyon at muling paglalayag ng mga ferry boat ay makatutulong nang malaki sa pagluwag ng trapik at sa pagpapaginhawa sa pagbibiyahe ng halos 20 milyong pasahero taun-taon.
Ingatan lamang na ang operasyon ng PRF ay hindi mabahiran ng mga pagpapabaya at kapalpakan na tulad ng naganap noong mga nakalipas na administrasyon.