Ni Marivic Awitan

HINDI bumitaw at kapwa muling sumalo sa pangingibabaw ng men’s division ang season host Far Eastern University at defending champion Ateneo de Manila makaraang magsipagwagi sa kani-kanilang katunggali kahapon sa UAAP Season 80 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nakaungos ang Tamaraws kontra University of Santo Tomas sa isang dikdikang 5-sets,28-26, 14-25, 19-25, 26-24, 15-12 upang makopo ang ika-11 panalo habang winalis ng Blue Eagles ang University of the East, 25-19, 25-22, 25-17.

Nagtala ng 13 puntos si Jude Garcia na kinabibilangan ng 10 attack points at 3 blocks para manguna sa nasabing panalo ng Tamaraws.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Gayunman, ang pinag-ibayo nilang blocking sa decider frame partikular ni JP Bugaon ang naghatid sa kanila sa tagumpay at mapahinuhod ang Tigers.

Nagposte naman ng personal best na 19-puntos si Ron Medalla upang giyahan ang panalo ng Blue Eagles na nagbigay sa Red Warriors ng ika-13 dikit nilang pagkatalo.

Bung ng kabiguan bumagsak ang UST sa markang 5-8, panalo-talo at kailangan nilang talunin ang Adamson (6-7) sa huli nilang laban upang makahirit ng playoff para sa huling Final Four berth.

Nanatili namang magkakasalo sa ibabaw ang National University, Ateneo at FEU taglay ang 11-2 panalo-talong marka na inaasahang mababasag sa Linggo sa kani-kanilang huling laro, ang FEU kontra La Salle at ang muling tapatan ng NU at Ateneo.