Ni Jean Fernando

Arestado ang tatlong Chinese dahil sa ilegal na pagdedetine sa isa nilang kababayan sa loob ng inookupahang kuwarto sa isang hotel casino sa Parañaque City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) spokesperson, Supt. Jenny Tecson ang mga suspek na sina Chen Jing Nun, 32; Zhang Zhen Qing, 35; at Chuan Fang, 37, pawang nanunuluyan sa Room 1832 Okada Resort and Casino Manila na matatagpuan sa Aseana Avenue, Barangay Tambo sa nasabing lungsod.

Ang biktima ay kinilalang si Dong Yun Hao, 28, nanunuluyan sa Room 1941 ng nasabing hotel casino.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ulat ng SPD, nailigtas si Hao ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2 ng Parañaque City Police at guwardiya ng Okada Manila Internal Security, sa loob ng kuwarto ng mga suspek, dakong 8:45 ng gabi.

Unang nakatakanggap ng tawag ang PCP 2 mula sa hotel front desk kaugnay ng ilegal na pagkakadetine ng isang Chinese.

Kaagad na nakipagtulungan ang mga pulis sa internal security ng hotel para sa pagsagip kay Hao.

Sa imbestigasyon, inamin umano ni Hao na ilegal siyang ikinulong sa kuwarto ng mga suspek dahil sa kabiguan nitong mabayaran ang utang na P5 milyon.

Ayon sa biktima, apat na araw na siyang nakakulong sa nasabing kuwarto bago siya na-rescue.

Nabigo namang magpakita ng Chinese passport ang tatlong suspek at patuloy ngayon ang pakikipag-ugnayan ng awtoridad sa Chinese Embassy.

Nahaharap ang tatlong Chinese sa kasong serious illegal detention.