Warriors, nagdusa sa pihit ng Jazz; Rockets at Wizards, wagi

WASHINGTON (AP) — Nalagpasan ni John Wall ang 5,000 career assists sa 113-101 panalo ng Washington Wizards kontra Boston Celtics nitong Martes (Miyerkules) para manatiling matatag ang kampanya sa No.6 sa Eastern Conference playoff.

Sa kasalukuyan, nasa No.8 ang Wizards, ngunit sa krusyal na laro sa pagtatapos ng regular season laban sa Orlando Magic sa Miyerkules, sasabak sila na wala si small forward Otto Porter. Jr. na nagtamo ng injury sa right lower leg.

Nakasiguro naman ang Celtics, sa kabila ng kabiguan, sa No.2 slot, ngunit lalarga sila sa playoff na wala si All-Star point guard Kyrie Irving bunsod ng injury.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

ROCKETS 105-LAKERS 99

Sa Los Angeles, hataw si Chris Paul sa naiskor na 22 puntos, habang kumana si James Harden ng 21 puntos at 10 assists para sa panalo ng Houston Rockets kontra Lakers.

Nag-ambag si Gerald Green ng 16 puntos sa Houston nagwagi sa ika-31 sa huling 34 laro.

Nanguna si Andre Ingram, kinuha mula sa G League, sa Lakers sa matikas na debut 19 puntos, tampok ang apat na 3-pointers, habang tumipa si rookie Josh Hart ng 20 puntos.

JAZZ 119, WARRIORS 79

Sa Salt lake City, naitala ni Donovan Mitchell ang 22 puntos at NBA rookie record sa three-pointer, habang kumana si Derrick Favors ng 16 puntos at siyam na rebound para hiyain ang defending champion Golden State Warriors.

Hataw si Jonas Jerebko na may 14 puntos, habang kumubra sina Rudy Gobert at Ricky Rubio ng tig-13 puntos para sa Jazz (48-33) para mapatatag ang kampanya sa No.3 sa Western Conference playoff. Makukuha nila ito sa panalo laban sa Portland sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nanguna si Klay Thompson sa Warriors na may 23 puntos, habang tumipa si Kevin Durrant ng 13 puntos para sa No.2 seed.