Ni Dave M. Veridiano, E.E.
NATATANDAAN pa ba ninyo ang kontrobersiyal na kaso ng panunuhol ng P50 milyon sa dalawang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI), na bahagya pang lumitaw na kinasangkutan din ng ilang mataas na opisyal sa Department of Justice (DoJ)?
May naamoy akong mangyayari sa kaso – si retired Senior Superintendent Wally Sombero, ang inaakusahan na “bagman” o tagasuhol ng pamosong “gambling tycoon” na si Jack Lam – sa mga oras na ito, habang isinusulat ko ang column na ito, ay patungo na sa Sandiganbayan sa Commonwealth Avenue, Quezon City upang makipag-unahan sa paglalabas ng “warrant of arrest” laban sa kanya, sa pamamagitan nang pagbabayad ng piyansa sa husgado.
Mukhang natunugan ng kampo ni Sombero ang gagawing pag-aresto sa kanya kaya minabuti niyang magpiyansa na lamang agad para sa mga kasong isinampa laban sa kanya. Noong una ay kasama niyang nasampahan ng kaso sina dating BI Associate Commissioners Michael Robles at Al Argosino, dating immigration intelligence chief Charles Calima Jr., pati na ang negosyanteng Tsino na si Jack Lam.
Sa kanilang lima ay tanging si Calima lamang ang napawalang-sala na labis kong ipinagtataka… Pareho kong kilala sina Sombero at Calima kaya inaakala kong bahagi ang “suhulan” ng isang malalim na operasyon upang “maikahon” ang tiwaling opisyal sa BI.
Kabilang kasi sina Sombero at Calima sa mga hinahangaan kong “counter-intelligence operative” noong sila ay aktibo pang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), dahil sa dami ng mga award na nakuha nila. ‘Di birong magkaroon ng award sa PNP na gaya ng “Dangal ng Bayan Award” na iginawad kay Sombero, kaya walang dudang kapwa malulusutan nina Calima at Sombero ang kasong isinampa sa kanila!
Kaya nang marinig kong naabsuwelto si Calima at sumabit naman si Sombero, ay ‘di ako makapaniwala. Agad akong naghalungkat sa mga dokumento hinggil sa kanilang tinatrabaho at presto -- nakuha ko ang puno’t dulo nito!
Ang sikretong operasyon – ‘OPLAN JANUS-DELTA’ sa ilalim ng tanggapan ni Col Dominador Lim (Ret), NCR Chief ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) – “a comprehensive joint counter-intelligence operation designed to eradicate rampant corruption in the Immigration Bureau as well as other regulatory bodies and industry stakeholders.”
Setyembre 2016 pa lamang ay tumatakbo na ang operasyon at sina Sombero at Calima ay kapwa bahagi nito. Ma
liwanag ito sa “Counter-affidavit” at sa “Memorandum for Reconsideration” (MR) na isinumite ni Calima sa Ombudsman na sinasabi niyang: “His actions were purely counter-intelligence operations duly approved, sanctioned and supervised by his superior, Commissioner Jaime Morente”.
Sa mga dokumentong ito ay malinaw at madalas na binabanggit ni Calima na si Sombero, ang dating hepe ng Detection and Special Operation Office (DSOO) ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ay kanyang “impormante” sa naturang counter-intelligence operation na aprubado ni Commissioner Morente – kaya para sa akin, naging matagumpay ang entrapment ni Calima dahil sa partisipasyon at mga impormasyong galing kay Sombero!
Mismong si Morente ay nagpatunay na natanggap niya ang isang “memorandum”, na may petsang Nobyembre 26, 2016 mula kay Calima na nagpapatunay na si Sombero ay kasama sa “counter-intelligence operation” ng kanyang grupo bilang “deep penetrating agent” na ang gamit na konsepto ay kapareho ng sa “poseur-buyer” operation.
Isang malaking QUESTION MARK marahil hindi lamang sa akin, bagkus sa ibang pang matitinik na operatibang nakakaintindi sa ganito kaselan na operasyon – bakit si Calima ay nakalusot sa kaso samantalang si Sombero, na inamin niyang DPA sa naturang operasyon,ay naasunto? Mukhang sa pagkakataong ito, si “Lady Justice” ay may kinikilingan o pinoprotektahan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]