Ni Jeffrey G. Damicog

Sinabi ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta na mas maraming indibidwal pa ang kakasuhan kaugnay sa kapalpakan sa pagbili at pamamahagi ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia na ngayon ay sinisisi sa pagkamatay ng ilang bata.

Ito ang tiniyak ni Acosta matapos maghain ang PAO sa Department of Justice (DoJ) nitong Abril 5 ng criminal complaints laban kay Health Secretary Janette Garin at 34 iba pa sa pagkamatay ng apat na bata na binakunahan ng Dengvaxia.

“May part two pa po ang filing na ito,” aniya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ipinaalala ng PAO chief na ang Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Richard Gardon ay nagsagawa rin ng imbestigasyon sa isyu ng Dengvaxia ngunit hindi pa naglalabas ng ulat.

“So pag labas po ng resulta ng Senate we will be filing a supplemental complaint in accordance with such recommendation,” aniya.

Bukod dito, sinabi niya na inatasan ng DoJ ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon sa P3.5 bilyon biniling bakuna ng nakalipas na administrasyon.

Samantala, sinabi ni Acosta na inatasan ang PAO na pamahalaan ang kaso ng mga namatay, napinsala at nagkasakit dahil sa bakuna.

Nitong Abril 5, naghain ang PAO ng apat na hiwalay na reklamo sa DoJ kaugnay sa pagkamatay nina Aejay Bautista, 11 anyos nang pumanaw noong Enero 24, 2018; Anjielica Pestillos, 10 nang pumanaw noong Disyembre 5, 2017; Lenard Baldonado, 10 nang pumanaw noong Nobyembre 9, 2017; at Zandro Colite, 11 nang namatay nooong Disyembre 27, 2017.

Binanggit ni PAO forensics chief Dr. Erwin Erfe na ang lahat ng mga nabanggit ay walang history ng dengue infection; tumanggap ng isa hanggang tatllong doses ng Dengvaxia; matapos mabakunahan ay nakaranas ng sakit tulad ng lagnat, rash, epistaxis, sakit ng ulo, sakit ng tiyan, nanghina ang katawan, nauutal sa pagsasalita, at iba pa; namatay sa loob ng 11 araw hanggang walong buwan matapos maturukan ng huling dose; at nakita sa forensic examination ng kanilang mga bangkay na lumaki at nagkaroon ng pandurugo ang kanilang organs.