Ni FREDDIE C. VELEZ
PAOMBONG, Bulacan – Inaresto ng mga barangay tanod ang isang lalaking dayo makaraang tangkain umanong dukutin ang apat na menor de edad sa Barangay Sto. Rosario sa Paombong, Bulacan, nitong Miyerkules ng gabi.
Sa report ni Chief Insp. Lynelle F. Solomon, hepe ng Paombong Police, kay Bulacan Police Provincial Office director Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., kinilala ang naaresto na si Noel Fruelda Medrano, 34, ng Bgy. Barualte, San Juan, Batangas.
Ayon kay Chief Insp. Solomon, inaresto si Medrano makaraang humingi ng saklolo sa barangay ang apat na menor de edad.
Batay sa sumbong ng mga bata, pinilit sila ng isang lalaki na sumakay sa pampasaherong jeepney, pero tumanggi sila at pumalag upang makatakas sa suspek.
Kaagad namang inaresto ng mga tanod si Medrano at dinala sa istasyon ng pulisya.
Sinabi ni Chief Insp. Solomon na iginiit ni Medrano na nagtungo siya sa Bulacan upang bisitahin ang isang kaibigan sa Hagonoy nang ayain niya ang mga biktima na samahan siya sa isang mall sa Malolo City.
Natuklasan naman sa imbestigasyon na dati nang nakulong si Medrano sa Tanauan City Jail sa Batangas dahil sa child abuse, at kalalaya lamang noong Disyembre 2017.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek, at inihahanda na ang kasong kriminal na isasampa laban sa kanya.