Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Iginiit ng Malacañang na hindi nakalilimutan ni Pangulong Duterte ang pangako niyang wawakasan ang contractualization o “endo (end-of-contract) sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra matapos na mabatikos ng ilang grupo ng manggagawa ang Palasyo dahil sa kawalan umano ng political will upang mabigyang katuparan ang pangako ni Duterte.
Umusbong ang batikos matapos ang naging pahayag ni Guevarra na hindi umano sapat ang Executive Order (EO) para matapos ang contractualization at kailangan pa umanong amyendahan ng lehislatura ang probisyon sa Labor Code.
“Hindi naman ibig sabihin na kung hindi magagawa sa pamamagitan ng isang Executive Order ang total ban on contractualization, ay ibig sabihin noon ay tinatalikuran na ng President ang kanyang pangako tungkol sa pagtigil at paghinto ng contractualization,” giit ni Guevarra.
Dagdag pa ni Guevarra, may mga bagay-bagay na tanging ang Kongreso mismo ang pwedeng gumawa, tulad ng nasa probisyon sa Labor Code.
“Batas ‘yun, eh. So, kung kailangang baguhin doon, ang Kongreso rin mismo ang dapat na magbago noon,” aniya.
Nitong Lunes, ipinaliwanag ni Guevarra na patuloy na pinag-aaralan ng Office of the Executive Secretary (OES) ang EO sa contractualization ngunit hindi umano nito kayang resolbahin ng Ehekutibo gamit ang EO.
“An Executive Order is meant only to supplement or to give the implementing details of what the law provides. But it cannot add or subtract, or substantially alter what the law provides. That’s really more for Congress to do. So I hope you will understand the limitations of an Executive Order,” dagdag pa ni Guevarra.