Ni Rommel P. Tabbad

Pinatawan na ng Office of the Ombudsman ng isang buwang preventive suspension ang isang alkalde ng Leyte kaugnay ng paulit-ulit na pagsuway sa kautusan ng anti-graft agency noong 2014.

Ito ay makaraang mapatunayan ng ahensiya na nagkasala si Sta. Fe, Leyte Mayor Oscar Monteza sa reklamong neglect of duty.

Kasama rin sa sinuspinde si Human Resource Officer Videl Apurillo, na guilty sa Simple Neglect of Duty at wala rin silang matatanggap na suweldo habang suspendido.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nag-ugat ang usapin nang maghain ng reklamo ang Field Investigation Office (FIO) ng Ombudsman noong 2014 kaugnay ng illegal na paggamit ng munisipyo ng ambulansiya (SKA- 337) na nahuling bumibiyahe sa kabila ng kawalan ng rehistro at trip ticket ng driver nito na si Lito Torre.

Dahil dito, nagpalabas ng apat na subpoena ang FIO na tinanggap ni Apurillo noong Mayo 6, 2015 at sa halip na sundin ang nilalaman nito na magpadala ng photocopy ng dokumento ng kanilang sasakyan (ambulansiya) ay binalewala lamang ito.

Enero 8, 2016 naman nang nagpadala ang FIO ng liham kay Monteza na nagpaalaala sa kanya na hindi sinusunod ang kautusan ng ahensiya ngunit hindi rin ito ginawan ng aksiyon ng alkalde.

Inulit na naman ang liham nitong Marso 10, 2016, at nitong Agosto 18, 2016 ay nagpadala na ng tracer ang FIO upang hindi na mahirapan ang alkalde, kung saan bumagsak ang kautusan ng Ombudsman na hindi na naman nito inaksyunan.

Depensa ni Monteza, hindi niya nakita ang direktiba ng anti-graft agency dahil nasa ospital siya sa nasabing panahon. Sa panig naman ni Apurillo, nasira umano ang nasabing dokumento nang tumama ang bagyong ‘Yolanda’ sa kanilang lugar.

“Any delay or refusal to comply with the referral or directive of the Ombudsman or by any of the Deputies shall constitute a ground for administrative disciplinary action against the officer or employee to whom it was addressed,” pagdidiin pa ng Ombudsman kung saan tinukoy ang Republic Act 6770 (The Ombudsman Act of 1989).