Ni Bert de Guzman
MISMONG ang Philippine National Police (PNP) at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagsabing wala silang ebidensiya sa ngayon tungkol sa mga alegasyon nina presidential spokesman Harry Roque at Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na nagagamit ang human rights groups (HRG) ng drug lords.
Kinokondena si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ng international at local human rights groups bunsod ng kanyang marahas at madugong drug war, na ikinamatay ng libu-libong tao, drug pushers, users na kagagawan umano ng mga pulis ni Gen. Bato o ng mga di-kilalang armadong lalaki (vigilantes).
Sa pagtaya ng PNP, mahigit lang sa 4,000 ang napatay ng police sa kanilang lehitimong operasyon, o sa kanilang lengguwahe ay NANLABAN sa buy-bust operations. Pero kung si Sen. Antonio Trillanes IV ang tatanungin, sa tantiya niya ay aabot na sa 20,000 ang napapatay ng mga pulis at vigilantes sa kanilang mga operasyon laban sa droga.
May nagtatanong: Ilan naman daw kaya ang napatay na drug lords, drug smugglers, big-time suppliers? Bakit daw ang karamihan sa napapatay ay ordinaryong mga tulak at adik na nakatsinelas, subalit ang mga dayuhang drug lord, smugglers at suppliers ay hindi agad-agad binabaril kundi pinadadalo pa sa mga pagdinig sa Kamara at Senado upang hingan ng paliwanag?
Bukas, Abril 2, ang simula ng vote recount sa vice presidential race nina Vice Pres. Leni Robredo at ex-Sen. Bongbong Marcos. Natapos na ng Supreme Court ang lugar na pagdarausan ng bilangan. Ito ay ang sports gym na ginawang makeshift revision hall.
Ang SC ang tumatayo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) na dumirinig sa mga protesta sa halalan. Ito ang kauna-unahan sa kasaysayan na ang PET ay magsasagawa ng national recount votes o pagbilang ng mga boto na sangkot ang mga kandidato sa pagka-bise presidente.
Pabor si PRRD na pagkalooban ng sariling gobyerno ang mga Moro sa Mindanao sa pamamagitan ng Bangsamoro Basic Law (BBL). Gayunman, sinabi ng Pangulo na higit na makapangyarihan ang pambansang gobyerno at tatratuhin ang lilikhaing autonomous set-up ng Moro people bilang “isang paslit na kailangan ng walker”.
Pahayag ni Pangulong Duterte: “Whether you like it or not, I do not want you to get a regional armed forces and a regional police force.” Tama rito si PDu30 sapagkat walang nakatitiyak na kung bibigyan ng sariling sandatahang lakas (armed forces) at police force ang mga Moro, baka kapag sila ay di-nasiyahan sa palakad ng pambansang gobyerno, gamitin nila ang kanilang puwersa kontra sa pamahalaan