Ni LESLIE ANN G. AQUINO

Umapela ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga nais kumandidato para sa May 14 Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections na huwag gamitin ang Semana Santa para isulong ang kanilang mga kandidatura.

“We appeal to the (potential) candidates not to make use of the Holy Week to advance our candidacies,” sinabi ni PPCRV Chairman Rene Sarmiento sa isang panayam.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Please, let us respect the occasion,” diin niya.

Sa nakalipas, naglipana ang mga banderitas at tarpaulin na may larawan ng mga kandidato na bumabati ng “Happy Easter” sa labas ng mga simbahan tuwing Semana Santa.

May ilan pang namamahagi ng libreng tubig at pamaypay sa mga nagsagawa ng Visita Iglesia o pagbibisita sa mga simbahan.

Sinabi ni Sarmiento na dapat mag-ingat ang mga botante sa mga ganitong kandidato.

“Be very careful, our voters. Watch out for candidates giving all these water etc.,” anang opisyal ng PPCRV.

Gayunman, aminado si Sarmiento na walang batas na maaaring humarang sa mga indibidwal sa maagang pangangampanya dahil hindi pa sila nakapaghahain ng kanilang Certificates of Candidacy (COC) para sa halalan sa Mayo 14.

Itinakda ng Commission on Elections ang panahon ng paghahain ng COCs mula Abril 14 hanggang April 20, habang ang campaign period ay mula Mayo 4 hanggang Mayo 12.