Ni PNA

NAIS ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na sumali ang mga negosyanteng Pinoy sa pinakamalaking international food show sa Taiwan sa Hunyo.

Ayon sa abogadong si Arthur Abriera, Jr., MECO assistant corporate secretary at executive officer, ang taunang kaganapan ay nagsimula sa 3 in 1 concept na magiging 5 in 1 show, dahil magkakaroon din dito ng exhibition kung saan ipapakita ang iba’t ibang paraan ng pagpoproseso ng pagkain, mga kagamitan sa pagpapakete ng pagkain at mga makina, isang Halal food show, at biotechnology.

Kahit sa paglahok bilang mga bisita, sinabi ni Abriera na ang mga negosyante Pinoy ay hinihimok pa rin na bisitahin ang show upang makita at matutunan ang mga advanced technology na tutulong sa kanilang mas mapadali at mapadami ang kanilang produksiyon.

“With an improved production, they will be able to export more. In the show they will also see what products are being sold in the market,” aniya.

Sa mga naunang show, aniya, ilan sa mga produkto ng Pilipinas na naging popular ay ang coco sugar, coco flour, pastries, candies, pinatuyong mangga at iba pang pinatuyong prutas.

Binanggit din niya na nag-iwan ng napakagandang impresyon ang Malagos chocolate sa show. “I think they made a good sale but I don’t know the figure,” dagdag pa niya.

Ayon sa FOOD TAIPEI webpage, ang food show ay pinamumunuan ng mga Taiwan supplier ng mga specialty product at pagkakataon ito upang magkaroon ng malawak na kaalaman sa pagkain ang mga global buyer, na ang hanap ay kakaibang mga pagkain at sangkap.

Kilala ang Taiwan bilang epicenter ng gourmet foods, fine dining, fresh produce, at mga bihasang chef.

Ang 28th Taipei International Food Show ay gaganapin mula Hunyo 27-30, 2018 sa Taipei Nangang Exhibition Center, Hall 1 at TWTC Hall 1.

Bibida sa show ang Foodtech and Pharmatech Taipei, Taipei Pack, Taiwan HORECA, at Halal Taiwan.