Nina Genalyn D. Kabiling at Mary Ann Santiago

Inaasahang bubuo ang transportation authorities ng kumprehensibong action plan upang tuluyan nang malipol ang mga kolorum na sasakyan sa bansa, sa gagawing pulong ngayong Lunes.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, tatalakayin ng Inter- Agency Council on Traffic (IACT) kung paanong epektibong maipatutupad ang utos ni Pangulong Duterte kaugnay ng ikakasang nationwide crackdown laban sa mga sasakyang kolorum.

Ang pulong ay dadaluhan ng mga miyembro ng IACT, kabilang ang mga kinatawan mula sa Department of Transportation (DOTr), Philippine National Police-High Patrol Group (PNP-HPG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at ilang lokal na pamahalaan.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“The President’s order is simple. He said, ‘Put a stop to the nonsense of colorum vehicles. Make it nationwide, arrest them all because they are illegal.’ The DOTr is committed to carry out its duty following the President’s statement outlining the tasks to be done,” sinabi ni Tugade sa panayam sa kanya sa radyo nitong Sabado.

Binitiwan ng Pangulo ang nasabing direktiba sa pagbisita niya sa lugar ng aksidente kung saan bumulusok sa bangin sa Sablayan, Occidental Mindoro ang isang pampasaherong bus, na ikinasawi ng 19 na katao, habang 21 iba pa ang nasugatan.

Ibinilin din ni Duterte sa mga awtoridad na barilin o patayin ang sinumang driver o operator ng kolorum na sasakyan na papalag sa pagdakip sa mga ito.