Hinarang at in-impound ng pulisya ang nasa 44 na Dimple Star bus na naaktuhang bumibiyahe sa Mindoro Occidental at Oriental kasunod ng utos ni Pangulong Duterte na arestuhin ang may-ari ng nasabing kumpanya.

Ito kasabay ng pagsisimula ng imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang matukoy ang posibleng pananagutan ng mga may-ari ng Dimple Star, na sumuko na sa pulisya nitong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-4B, may kabuuang 44 bus ng Dimple Star ang nasa kustodiya na ngayon ng pulisya.

“This is in connection with the order of our Regional Director, Chief Supt. Emmanuel Luis Licup, to hold all Dimple Star buses catering to passengers bound to Occidental and Iloilo City via Roxas Pier in Mindoro Oriental,” sabi ni Tolentino.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Makaraang mailipat sa ibang bus ang mga pasahero, 20 bus ang dinala sa Oriental Mindoro Police Provincial Office, habang ang 22 pa ay nasa PRO-4B, ayon kay Tolentino.

Personal na binisita ni Pangulong Duterte nitong Biyernes ang lugar kung saan bumulusok sa bangin ang isang unit ng Dimple Star nitong Martes ng gabi, na ikinasawi ng 19 na katao, habang 21 iba pa ang nasugatan.

Sinabi ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na tumanggap ng tig-P20,000 mula sa Presidente ang pamilya ng 19 na nasawi, habang tig-P10,000 naman sa mga nasugatan.

Nagtungo rin sa burol ng ilan sa mga nasawi, at kinumusta sa ospital ang mga nasugatan sa aksidente, ipinag-utos ng Pangulo ang pagdakip sa mga may-ari ng Dimple Star at ang paghuli sa lahat ng kolorum na bus.

Ipinag-utos din ni Duterte ang tuluyang pagkansela sa prangkisa ng Dimple Star.

HANDANG MANAGOT

Kaugnay nito, sinabi naman ni CIDG chief Director Roel Obusan na nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon para matukoy kung dapat ba nilang idetine sa kanilang tanggapan ang mag-asawang Hilbert at Nilda Napat matapos na sumuko ang mga ito.

“We will still talk about the facts and circumstances. If we were able to establish that we could hold them, then we would but if there is still a need for more evidence then we would allow them to go,” ani Obusan.

Aniya, kapwa nagpahayag ng kahandaang makipagtulungan sa mga awtoridad ang mag-asawa, at tiniyak na ring sasagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing sa mga nasawi at sa pagpapagamot sa mga nasugatan sa aksidente.

Una nang sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nang 30 araw ang lahat ng 118 bus ng Dimple Star dahil sa aksidente.

KURAPSIYON SA LTO?

Samantala, nais malaman ni Senador Grace Poe kung anong uri ng inspeksiyon ang ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO) sa mga pampublikong sasakyan bago mabigyan ng prangkisa ang mga ito kaugnay na rin ng ulat na mayroong “non-appearance o no show” sa ahensiya kapalit ng malaking halaga.

Partikular na matagal nang naiisyu ang non-appearance sa mga emission testing na kailangan sa pagpaparehistro.

“Information that reached us said that in paper, motor vehicles undergo and pass the test, but the reality is a number of them were never tested,” ani Poe.

Aniya, may mga kasabwat umanong kawani ng LTO na kumukuha ng pera sa inisyal na inspeksiyon kapalit ng pag-apruba sa mga dokumento nito.

“If indeed true, then we can only imagine that because of this corrupt practice in the LTO, many vehicles, in whatever condition, can ply our roads, putting in peril unsuspecting passengers and commuters. Is there even an effective way of checking the road worthiness of vehicles already on the streets?” sabi pa ni Poe.

(Aaron Recuenco, Beth Camia, at Leonel Abasola)