Ni Mary Ann Santiago
Inamin kahapon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na unti-unti nang nababawasan ang bilang ng mga Katolikong lumalahok sa pasyon o pabasa, na isang tradisyunal na paglalahad ng pagpapakasakit ni Hesukristo tuwing Semana Santa.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ang pasyon ay naging panata na ng pamilyang Katoliko na tuwing Mahal na Araw ay sama-samang nagdarasal ang mga ito sa pamamagitan ng pabasa o pasyon sa mga lalawigan, at maging sa Metro Manila.
Gayunman, ikinalulungkot ni Secillano na unti-unti nang nababawasan ang mga taong lumalahok dito, bunsod marahil ng “generation gap.”
Sa ngayon kasi, aniya, ay mga nakatatanda na lamang ang naiiwang nagpapatuloy ng panata habang wala namang interes na makilahok sa tradisyon ang mga kabataan.
“’Yun nga lang nakikita natin dito na parang kokonti na rin ang mga sumasali sa pasyon. Kasi minsan yung generation gap ang mga kabataan natin ngayon parang hindi na masyadong interesado at ang mga matatanda na lang ang naiiwan para magdasal,” ani Secillano.
Sa kabila nito, aniya, marami pa rin namang nagtutungo sa mga simbahan at nagbi-Visita Iglesia kapag Semana Santa.
“Pero iyong tinatawag nating Visita Iglesia, mas marami ang mga pumupunta sa mga simbahan, lalung-lalo na ang mga kabataang gustung-gusto nila ito,” ayon kay Secillano.
Pinaalalahanan naman ni Secillano ang mga Katoliko na maliban sa pasyon at Visita Iglesia, mahalagang makibahagi rin sa paggunita sa Semana Santa, gaya ng pagdalo sa mga misa, pagninilay-nilay, pagdarasal, pagsisisi sa mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoon.