Ni Fer Taboy
Isang pasyenteng sakay sa ambulansiya ang nasawi, gayundin ang kanyang asawa, matapos na salpukin ng isang sports utility vehicle (SUV) ang kanilang sasakyan sa Mandurriao, Iloilo City, kahapon ng madaling-araw.
Nasawi ang pasyenteng si Ramon Sampani at asawa niyang si Roselyn, habang sugatan naman ang driver ng ambulansiya na si Efrain de Guzman at isang hospital staff.
Sa imbestigasyon ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO), nangyari ang insidente sa Circumferential Road sa Hibao-an Norte, Mandurriao.
Nauna rito, humaharurot ang ambulansiya, sakay ang mga biktima, upang dalhin si Ramon sa Western Visayas Medical Center para isailalim sa dialysis.
Kasabay nito, biglang nag-over take sa isang pick-up van ang SUV na minamaneho ni Guilbert Rey Saclauso, ng Barangay San Antonio, San Miguel, Iloilo, na nakasalubong at nakasalpukan ang ambulansiya.
Sinabi ng pulisya na lasing umano si Saclauso nang mangyari ang insidente.
Hawak na ngayon ng Iloilo City Police headquarters si Saclauso, na kakasuhan ng reckless imprudence resulting to double homicide.