Ni Mike U. Crismundo

Patay ang piloto ng spray plane nang pagbabarilin ng mga hindi kilalang armado habang nasa ere sa Purok 7, Sitio Gruttoi, Barangay Malixi sa bayan ng Tagbina, Surigao del Sur, lahad sa flash report na natanggap ng police regional headquarters sa Butuan City, nitong Lunes.

Ayon sa inisyal na report na natanggap ng tactical at command center ng Police Regional Office (PRO)- 13 sa Camp Colonel Rafael C. Rodriguez mula sa Surigao del Sur Police Provincial Office (PPO), nagsasagawa ng aerial spray sa plantasyon ng saging ng SUMIFRU (Philippines) ang Agricultural Aircraft ng DASNA Farms Aviation, Inc. na may body number na RP-R8865 AG-CATG164A1300.

Ang eroplano ay minamaniobra ni Lynbert G. Laguda, 65, nang mula sa ibaba ay pagbabarilin ng mga armado ang piloto. Tinamaan ng bala ang spray plane at si Laguda.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nangyari ang insidente dakong 8:04 ng umaga nitong Linggo sa isang New People’s Army-influenced area at 12 kilometro ang layo mula sa himpilan ng Tagbina Municipal Police, ayon sa Surigao del Sur PPO.

“The pilot was able to contact his co-worker on the ground regarding the incident and managed to maneuver the plane and return to its Hangar in Barangay Sta. Fe, Tagbina town of that same province and the pilot was rushed to Butuan City for medical treatment but while traveling along the way at the vicinity of Prosperidad town, Agusan del Sur subject pilot died,” dagdag pa sa police report.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kanilang motibo.