Ni Mary Ann Santiago

Aabot sa 30 indibiduwal ang nasawi dahil sa human immunodeficiency virus-acquired immune deficiency syndrome (HIV/AIDS) noong Enero 2018, habang limang buntis at dalawang menor de edad ang nakabilang sa mahigit 1,000 bagong nahawahan ng nakamamatay na sakit, iniulat ng Department of Health (DoH).

Sa inilabas na ulat ng HIV/AIDS & Art Registry of the Philippines ng DoH-Epidemiology Bureau, nasa 1,021 indibiduwal ang naitalang dinapuan ng HIV/AIDS noong Enero, 2018.

Mas mataas ito ng 187 kung ikukumpara sa 834 na naitala sa kaparehong buwan noong 2017.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa nasabing bilang, 96%, o 976 na kaso ay lalaki.

Napag-alaman na ang pinakabatang biktima ay tatlong taong gulang, habang ang pinakamatanda naman ay 61 anyos.

Bukod diyan, lima sa mga bagong biktima ay buntis at dalawa sa mga ito ay nakatira sa National Capital Region (NCR), habang ang tatlong iba pa ay sa Regions 3, 6, at 7.

Dalawa rin sa mga biktima ay nasa edad 15 pababa, 292 ang nasa edad 15-24, 539 ang edad 25-34, 168 ang 35-49 na taong gulang, habang 20 naman ang edad 50 pataas.

Pumalo naman sa 30 katao ang iniulat na nasawi dahil sa naturang sakit noong Enero.