BANGKOK, Thailand -- Kinailangan lang ni Filipino pride Muay Thai fighter Jervie Tiongco ang huling sampung segundo sa tratadong huling tatlong rounds para plastadong i-knockout ang kalabang si Yemelynov Ivan ng powerhouse Russia sa 51 men’s kgs. finals nitong Sabado sa prestihiyosong 15th World Muay Federation (WMF)-Muay Thai Championships sa The Bazaar Hotel, Bangkok, Thailand.
Hindi makapaniwala ang 21-anyos na si Tiongco na maikonekta ang isang kanang roundhouse kick sa mukha ng Ruso, may 10 segundo na lang at hindi na nito nagawang makabangon pa, dito sa torneong inayudahan ni Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ramirez.
Matapos ang laban, hindi na napigilan ng tubong Olongapong atleta ang mapaiyak matapos mahablot ang gold medal na buhat lang sa apat-kataong pambansang delegasyon na sina delegation head/Kickboxing Association of the Philippines (KAP) president Rolando Catoy, trainer/ coach Efren Barros at quarterfinalist Peter Mark Bayaras.
“ Thank you Lord! first time ko dito sa World Championship at naka-gold pa. Sobrang salamat din po ako kay Sir Rolly (Catoy) at nabigyan ako ng tsansang lumaban dito, “ bulalas ng naiiyak sa labis na kasiyahan ni Tiongco sa torneong nilahukan ng 30 bansa.
Una munang giniba ni Tiongco ang maangas ding si Ivan Dos Santos Gumaraes ng Brazil via unanimous decision.
“ Hindi rin natin akalain na maka-gold, lalo na’t tayo ang may pinakamaliit na pinadalang atleta dito, salamat at may nagtiwala sa atin at sana din lang masuportahan ang mga Filipino Muay Thai fighter para mas marami pang maibigay na karangalan sa bansa,” pahayag ni Catoy.