Ni Jun Fabon
Nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District- District Drug Enforcement Unit (QCPD-DDEU) ang 11 hinihinalang tulak ng ilegal na droga, at dalawa sa mga ito ay nahulihan umano ng P178,000 halaga ng umano’y cocaine at ecstacy, sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni QCPD Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang dalawang umano’y tulak na sina Kevin Costes, 21, ng Sta. Rosa, Laguna; at Chrestien Deyck, 21, ng Parañaque City.
Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng DDEU at QCPD Station 11, sa pamumuno ni Supt. Ferdinand Mendoza, laban sa dalawang suspek sa isang apartelle sa Barangay Doña Imelda sa nasabing lungsod, dakong 2:30 ng madaling araw.
Nakumpiska umano kina Costes at Deyck ang hinihinalang cocaine at ecstacy na nagkakahalaga ng P178,000, matapos umanong bentahan ng droga ang isang pulis na poseur buyer.
Samantala, siyam na katao na sinasabing sangkot sa ilegal na droga ang naaresto rin sa magkakasunod na buy-bust operation sa mga barangay ng Pasong Tamo, Greater Fairview at Bahay Toro, makaraang makumpiskahan ng ilang pakete ng shabu at buy-bust money.
Nakakulong na ngayon ang mga suspek na kakasuhan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) sa Quezon City Prosecutor’s Office.