Nina TARA YAP at ANALOU DE VERA, ulat ni Jun N. Aguirre

ILOILO CITY – Sa harap ng posibilidad na maipasara, magdaraos ng “switch-off” solidarity night sa Sabado sa Boracay Island sa Malay, Aklan.

“This is a symbolic switch-off for unity,” sabi ni Nenette Aguirre-Graf, presidente ng mga grupo ng negosyante na Boracay Foundation Inc. (BFI).

Magsasagawa ng sabayang pagpapatay ng lahat ng ilaw sa isla sa ganap na 8:08 ng gabi ngayong Sabado.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“This will just show what will happen to Boracay if it will be closed down,” paliwanag ni Graf, na halal na konsehal din ng Malay.”

Ayon kay Graf, layunin ng solidarity night na ipakita na determinado ang mga pribado at pampublikong stakeholder na tumalima sa mga batas na pangkalikasan.

Ito ay kaugnay ng rekomendasyon ng Department of Tourism (DoT), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Interior and Local Government (DILG) na isara nang isang buong taon ang Boracay upang tiyaking mareresolba ang lahat ng problemang pangkalinisan ng isa sa pinakamagagandang isla sa mundo.

Ang joint recommendation ay inihayag sa pulong nitong Huwebes na dinaluhan nina DENR Secretary Roy Cimatu, Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo, at DILG Officer-in-Charge Eduardo Año.

Iminungkahi ng tatlong opisyal ng pamahalaan kay Pangulong Duterte ang “closure of the Boracay Island as tourist

destination for a maximum of one (1) year effective one month after its declaration,” saad sa rekomendasyon na binasa ni Cimatu.

Ayon kay Cimatu, sasapat na ang isang taon upang mabigyan ng sapat na panahon ang gobyerno sa pagpapatupad ng mga hakbangin “to restore and eventually sustain Boracay Island as a prime tourism destination.”

“We are recommending to the President the declaration of the State of Calamity and then after a month, declaration of the closure of Boracay,” sabi naman ni Año.

Sinabi naman ni Teo na nakikipagugnayan na ang DoT sa iba’t ibang airline company para sa rebooking ng flights at hinihimok ang mga turista na bisitahin ang iba pang travel destination sa bansa.

Sa ngayon, tiniyak ni Rowen Aguirre, executive assistant ni Malay Mayor Ciceron Cawaling, na magiging maaliwalas ang front beach ng Boracay sa Semana Santa.

Sinabi ni Aguirre na kung sakaling isasara ng gobyerno ang isla ay sa Mayo pa naman ito, at inaasahan na rin ang dagsa ng mga turista sa isla tuwing Mahal na Araw.

Aniya, nagpapatuloy ang paglilinis ng lokal na pamahalaan laban sa mga ilegal na istruktura sa front beach, at karamihan ay nabigyan na ng notice of violation, at nagsimula nang magbaklas ng kanikanilang istruktura.

Inaasahang mahigit sa 100 establisimyento sa Boracay ang ipasasara dahil sa kakulangan ng permit.