MULING nagpakitang gilas si National Master Robert Arellano ng Novaliches, Quezon City ng kanyang ipamalas ang bangis at husay para sa kampeonato ng Battle of Masters 2018 Chess Championship na ginanap sa Tropical Hut restaurant sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City nitong Miyerkules.
Nakalikom si Arellano, isang engineer ang propesyun na nakabase sa Middle East ng 4.5 puntos para mahablot ang titulo. Si Arellano na dating pambato ng National University ng kanilang High school days at University of Santo Tomas sa college ay maraming beses ng nagbigay ng karangalan sa bansa.
Lumagay lamang sa ika-2 puwesto si National Master Julius “Ashitaba Boy” Sinangote ng Project 2, Quezon City na may nakamadang 4.0 na puntos. Si Sinangote na dating top player ng Rizal Technological University Mandaluyong City ay sariwa pa sa pagkampeon sa Pampanga Chess Challenge II Open Chess Championships nitong nakaraang buwan na ginanap sa Don Honorio Ventura Technological University (DHVTSU) sa Bacolor, Pampanga.
Nasa ika-3 puwesto naman si Marc Simborio ng Rodriguez, Rizal na may naipong 3.0 puntos. Isa sa malaking napanalunan ng dating five-time Zamboanga del Sur Champion ang Cayetano “Jun” R. Santos Jr. Open Chess Championships na ginanap sa Ampid 1, San Mateo, Rizal.
Nasilayan din ang paglahok ng 13 years old na si Joshua Michael Yongco ng Apalit, Pampanga. Si Yongco na ipinagmamalaki ng La Verdad Christian School College ang bronze medallist sa 2018 Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) chess championships nitong nakaraang buwan na ginanap sa Malolos City, Bulacan.