Ni Jeffrey G. Damicog
Bumagsak sa mga kamay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng nagpakilalang agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang suspek na si Jai Sunshine Chua, na kabilang sa isang grupo na nagsasagawa ng ilegal na aktibidad at kumikilos sa San Mateo, Taguig, Cainta at iba pang lungsod at bayan sa Rizal.
Si Chua ay inaresto ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) sa gitna ng operasyon sa Cainta, Rizal nitong Biyernes.
Sasailalim siya sa inquest proceedings sa Department of Justice (DoJ) para sa Articles 3016 (brigands), carnapping, kidnapping for ransom, robbery, usurpation of authority, Republic Act 7610 (Anti-Child Abuse Law) in relation to Presidential Decree 603, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591), at Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175).
Samantala, patuloy na tinutugis ng awtoridad ang iba pang miyembro ng grupo kabilang ang kanyang co-respondents sa mga kaso na sina Ryan Bonn Singson dela Cruz, Glenn Santiago, Aristotle Tutaan Quintana, JR Ordonez, Anthony Ordonez, Michael Corpuz, Junjun Patawi, Patrick Amit, at Hernando Llaguno.
Ayon kay Gierran, si Chua ay tinukoy na tagapag-ingat ng mga ilegal na droga at pera ng grupo na ginagamit nito upang turuan ang mga kabataan na gumamit ng baril at isama sa ilegal na mga aktibidad.
Aniya, umaksiyon ang NBI sa reklamo ng magulang ng dalawang menor de edad na dinukot ng isang grupo na nakasuot ng uniporme ng PDEA sa Ususan, Taguig.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera ng barangay nitong Pebrero 4, isang binatilyo ang nakaposas habang hinahatak ng mga lalaki at isang babaeng nakasuot ng maskara at PDEA uniforms, na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril.
Nabatid na pagkatapos silang mapigilan ng mga opisyal ng barangay, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay sa dalawang sasakyan na agad tinugis ng mga pulis.
Isa sa mga sasakyan ang isang itim na Toyota Hi-Lux, na natagpuang abandonado sa Makati City noong gabi ng nasabing petsa at narekober sa loob ang ilang cell phone, shabu at mga pekeng P1,000 bill na nagkakahalaga sa P296,000.
Nagsagawa ng operasyon ang NBI, na nagawang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, sa Cainta noong Marso 9, matapos makatanggap ng impormasyon na namataan ang grupo gamit ang dalawang motorsiklo at isang berdeng Honda City.
Nang lapitan ng NBI, pinaharurot ng mga suspek ang kani-kanilang sasakyan subalit nasakote si Chua na sakay sa dilaw na scooter sa Vista Verde Village.