Nina Leonel M. Abasola, Mary Ann Santiago, at Bert de Guzman
Iginiit ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na walang makapipigil sa Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE) ngayong Mayo, sa kabila ng desisyon ng Kamara na isuspinde ito at idaos sa Oktubre.
Ayon kay Sotto, walang sapat na panahon para dinggin ito sa Senado at wala rin namang senador na nagsampa ng panukalang suspendehin ito.
Aniya, sa Marso 22 ay tapos na ang sesyon at muli itong magbubukas sa ikalawang linggo ng Mayo.
Sinabi pa ng senador na wala ring abiso ang Palasyo na ipagpaliban ang eleksiyon, at ang isinusulong nito ay ang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law.
Ayon naman kay Senate President Pro Tempore Senator Ralph Recto, kailangang ituloy ang eleksiyon dahil nakahanda na ang lahat.
‘DI MAGANDANG HABIT—PPCRV
Binatikos naman ng church-based poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang panukalang muling ipagpaliban ang BSKE.
Ayon kay Atty. Rene Sarmiento, national president ng PPCRV na naging commissioner ng Commission on Elections (Comelec), hindi makabubuti ang patuloy na pag-antala sa halalan.
“Hindi po maganda. Ito nga ay for the 3rd time na at mukhang nagiging past time at habit na ito. Ang isang katangian ng isang demokrasya ay periodic at regular election para mapalitan ang mga hindi nababagay sa panunungkulan at palitan ng mga mahuhusay,” paliwanag pa ni Sarmiento.
Matatandaang bumoto nitong Lunes ng 14-2 ang mga miyembro ng House committee on suffrage and electoral reforms para ipagpalibang muli ang BSKE sa Mayo 14, at gawin na lang sa Oktubre 8, 2018.